HINDI na makikipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang kontrobersyal na flood control contractors na sina Curlee at Sarah Discaya, ayon kay ICI Executive Director Atty. Brian Hosaka.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, Oktubre 15, sinabi ni Hosaka na ginamit ng mag-asawa ang kanilang karapatang hindi magsalita laban sa sarili (right against self-incrimination) at nagpahayag na hindi na sila makikibahagi sa imbestigasyon ng komisyon.
“They invoked their right against self-incrimination and manifested that they will no longer cooperate with the investigation being conducted by the ICI,” ani Hosaka.
Dagdag pa niya, inakala umano ng mga Discaya na makakakuha sila ng paborableng rekomendasyon bilang state witnesses kapalit ng kanilang kooperasyon.
“They were thinking that when they cooperate before the ICI, they will be getting a favorable recommendation from the commission as state witness(es),” paliwanag ni Hosaka.
Ayon kay Hosaka, nagbago ang kanilang desisyon matapos mapanood ang panayam ni ICI Commissioner Rogelio “Babes” Singson kay mamamahayag Karen Davila noong Oktubre 13, kung saan tahasan nitong sinabi na hindi isasaalang-alang ang Discaya couple bilang state witnesses.
“They’re not the least guilty. They are principal players. Nakinabang na ‘yang mga ‘yan. Tama na. Galit na ang mga tao dahil sa kanila,” sambit sa panayam ni Singson.
Nilinaw naman ni Hosaka na personal na opinyon lamang ni Singson ang naturang pahayag, at ang anumang opisyal na komunikasyon mula sa ICI ay dapat dumaan lamang sa kanya o kay ICI Chairperson Andres Reyes.
Sa kabila ng pag-atras ng mag-asawa, tiniyak ni Hosaka na magtutuloy ang imbestigasyon, dahil nakakuha na umano ang komisyon ng mahahalagang dokumento mula sa kanila bago pa man sila umatras.
Samantala, sinabi ni Office of the Ombudsman spokesperson Mico Clavano na wala umanong ibang opsyon ang Discaya couple kundi ang makipagtulungan sa pamahalaan.
“They are misguided. Cooperation with the government is their only option right now. It will serve the public’s interest as well,” ani Clavano.
Bukod sa mag-asawang Discaya, ipinatawag din ng ICI si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo upang humarap sa pagdinig ngayong Miyerkules, ngunit hindi ito nakadalo dahil sa medical reasons. Inaasahan siyang magpapakita sa harap ng komisyon sa susunod na linggo.
