ARESTADO ang isang lalaki na tulak ng ilegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyong halaga ng shabu nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Kinilala ni Station Drug Enforcement Unit (SDEU) OIC Chief P/Lt. Sherwin Dascil ang suspek na alyas “Jun”, 44, na naaresto nila dakong alas-5 ng madaling araw sa kahabaan ng Plastic City Avenue, Brgy., Viente Reales.
Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni kay Lt. Dascil na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y ilegal drug activities ni alyas Jun kaya ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.
Nagawang makipagtransaksyon ng isang operatiba ng SDEU sa suspek at nang tanggapin umano nito ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer, kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang inaresto ng mga operatiba ng SDEU.
Nakumpiska kay alyas Jun na dati nang nakulong dahil rin sa droga ang humigi’t kumulang 55 grams ng hinihinalang shabu na may estimated street value na P374,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money, driver’s license, sling bag at P200 cash.
Isinalang na ang suspek sa inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office kaugnay sa kakaharapin niyang kaso na paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (JUVY LUCERO)
