LUMAGDA sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Bureau of Customs (BOC) at ang Federation of Philippine Industries, Inc. (FPI) upang paigtingin ang laban kontra smuggling, undervaluation, at iba pang unfair trade practices na nakasisira sa lokal na industriya at ekonomiya ng bansa.
Ang kasunduan ay nilagdaan nina BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno at FPI Chairperson Elizabeth H. Lee sa ginanap na FPI Business Summit sa Maynila.
Ito ay pagpapatuloy ng naunang ugnayan noong 2010, ngunit sa pagkakataong ito ay may mas malinaw na mekanismo para sa aksyon, transparency, at mas malawak na saklaw sa mga pangunahing pantalan sa bansa.
Sa ilalim ng bagong kasunduan, bibigyang kapangyarihan ang mga Industry Technical Experts (ITEs) mula sa FPI na tumulong sa BOC sa pagsusuri at pagmamanman ng mga high-risk shipments sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ipinangako ng BOC na aaksyonan ang mga ulat ng ITEs sa loob ng pitong araw, magbabahagi ng non-classified shipment data para sa risk profiling, at maglalabas ng guidelines sa loob ng 60 araw, alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Data Privacy Act.
Kapalit nito, magbibigay ang FPI ng mga kwalipikadong eksperto, magsusulong ng integridad at pagiging kumpidensiyal sa lahat ng datos, at makikipagtulungan sa pagbuo ng mga ulat sa resulta ng operasyon.
Bilang bahagi ng transparency, bubuo rin ng BOC–FPI Joint Monitoring Committee na magsasagawa ng quarterly meetings upang subaybayan ang implementasyon ng kasunduan at maglabas ng taunang ulat ukol sa mga natamong tagumpay at hamon.

“Ang bagong partnership na ito ay magpapatibay sa ating frontlines laban sa iligal na kalakalan habang pinangangalagaan ang interes ng mga lokal na industriya at mamimiling Pilipino,” ayon kay Commissioner Nepomuceno.

“Umaasa kami sa mas malapit na pakikipag-ugnayan sa BOC upang matiyak ang patas na kompetisyon sa pagitan ng mga lokal na tagagawa at mga importer, at maprotektahan ang kita ng gobyerno,” dagdag naman ni Chairperson Lee.Agad nang epektibo ang kasunduan at mananatiling umiiral sa loob ng tatlong taon, na maaaring i-renew sa pamamagitan ng mutual consent ng dalawang panig. (ARSENIO TAN)
