LUMUTANG ang pangalan nina Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros at Sen. Pia Cayetano sa mga posibleng hahalili bilang chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, matapos tanggihan ng ilang mga senador ang naturang posisyon.
Ayon sa mga ulat, Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Raffy Tulfo, at Sen. JV Ejercito ay pawang nagpasalamat sa pagkakonsidera sa kanila, ngunit tumangging tumanggap ng puwesto kung ito ay iaalok sa kanila.
Sinabi ni Pangilinan na nais niyang manatiling nakatutok sa kanyang kasalukuyang mga komite at adbokasiya para sa agrikultura at seguridad sa pagkain.
“It would be unwise to accept a fourth committee, moreso the powerful Blue Ribbon Committee… I believe it is in helping address the serious and dire challenges of the agri sector that I can best serve our country with my utmost,” ani Pangilinan.
Ganito rin ang naging pahayag ni Tulfo, na iginiit na mas nais niyang tutukan ang kanyang tatlong kasalukuyang komite.
“I will humbly decline for the simple reason that I don’t want to lose focus on my three committee chairmanships that are my main advocacies — Labor, Migrant Workers and Public Services,” wika ni Tulfo.
Samantala, ayon kay Ejercito, may iba pang mas karapat-dapat na mamuno sa makapangyarihang komite na responsable sa mga imbestigasyon sa katiwalian at isyu ng pamahalaan.
“Nagpapasalamat ako sa tiwala for considering me for such a very important committee, lalo na’t Blue Ribbon, kaya lang alam ko limitasyon ko. Mas marami ang tingin kong mas may kakayahan na mag-lead ng committee,” ani Ejercito.
Ang posisyon ay nabakante matapos magbitiw si Senate President Pro Tempore Ping Lacson bilang chair ng Blue Ribbon Committee, kasunod ng kontrobersiya sa imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control projects.
Patuloy namang nagkakaroon ng konsultasyon sa Senado upang tukuyin kung sino sa mga natitirang senador ang pipiliing mamuno sa prestihiyosong komite.
