Nagbitiw sa puwesto si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson bilang chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, Oktubre 6, matapos umanong magpahayag ng pagkabahala ang ilang senador sa direksyon ng imbestigasyon hinggil sa mga iregularidad sa mga proyekto ng flood control.
Sa kanyang resignation letter, iginiit ni Lacson na walang halong pulitika ang kanyang pamamalakad sa imbestigasyon at nanindigang “we go where the evidence leads us, not by the noise coming from highly partisan political persuasions.”
Batay sa ulat, ilang testigo ang nagsangkot ng mga dating at kasalukuyang senador sa umano’y kickback scheme sa mga proyekto ng imprastraktura. Dagdag pa ni Lacson, halos lahat ng senador sa 19th Congress ay may insertions umano sa 2025 national budget.
Sa isang panayam nitong Linggo, inamin ni Lacson na naramdaman niya ang “disappointment” ng ilan sa kanyang mga kasamahan sa Senado sa paraan ng kanyang paghawak ng imbestigasyon.
“Nagsisilbi ako bilang chairman at the pleasure of my peers. Kung wala silang tiwala sa akin, hindi naman ako ganoon kamanhid para hindi maramdaman iyon,” ani Lacson.
Ayon pa sa senador, isusumite niya ang kanyang pormal na pagbibitiw sa plenaryo sa sandaling muling mag-convene ang Senado, at hindi pa niya nakakausap si Senate President Tito Sotto hinggil sa desisyon.
Samantala, sinuspinde muna ng Senado ang mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng flood control anomalies, dahil sa umano’y kakulangan ng dokumento at mga scheduling conflict.
Ang pagbibitiw ni Lacson ay dumating wala pang isang buwan matapos niyang makuha ang liderato ng komite mula kay Sen. Rodante Marcoleta, at itinuturing na palatandaan ng tumitinding tensyon sa loob ng Senado.
Si Sen. JV Ejercito, na ngayo’y namumuno sa Senate ethics committee, ay una nang nagbabala noong Oktubre 2 na “the Senate is losing focus on the real perpetrators” at binanggit na kanyang “seryosong pinag-isipan” ang pag-alis sa majority kung hindi mababago ang direksyon ng imbestigasyon.
Tinuligsa naman ni Lacson ang mga “false narratives” laban sa kanyang liderato, na aniya’y nagdulot ng maling impresyon na hindi niya maayos na hinahawakan ang mga pagdinig.
“Kung ang pananaw ng aking mga kasamahan ay may mas magaling na mag-handle, edi iwan ko na sa kanila iyon,” dagdag ng senador.
