Binigyang-diin ni Marikina City Mayor Maan Teodoro ang kahalagahan ng responsiveness, disiplina, at pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan upang mapanatili ang kaayusan at tuloy-tuloy na pag-unlad ng lungsod.
Sa kanyang talumpati sa regular na flag-raising ceremony nitong Lunes, sinabi ni Teodoro na malaking papel ang ginagampanan ng social media sa agarang pagtugon ng lokal na pamahalaan sa mga hinaing ng mga residente.
“Sa panahon ngayon ng social media, halos lahat ng hinaing at suggestions ng ating mga kababayan, diretso na agad sa atin… malaking tulong po ito dahil mas mabilis na nating nakikita kung ano ang concerns ng ating mga kababayan at mas madali natin itong naaaksyunan,” ani ng alkalde.
Hinimok niya ang mga kawani ng Office of Public Safety and Security (OPSS), Engineering Department, City Environment and Management Office (CEMO), at iba pang ahensya na agad aksyunan ang mga reklamo at komento online, lalo na kung kaya namang resolbahin sa araw ding iyon.
“Kung kaya ngayong araw, gawin na natin ngayong araw. Sa ganitong paraan, naipapakita natin na responsive at tunay na maaasahan ang ating pamahalaan,” dagdag ni Teodoro.
Binigyang-diin din ng alkalde na hindi kayang magtagumpay ng pamahalaan nang mag-isa, at ang pag-unlad ng Marikina ay nakasalalay sa kooperasyon at disiplina ng bawat mamamayan.
“Ang tunay na pag-unlad ng Marikina ay joint effort — gobyerno at mamamayan, lagi tayong sama-sama at tulong-tulong,” pagtatapos ni Teodoro.
Kasabay din ng selebrasyon ng World Teachers’ Day, nagpaabot si Mayor Teodoro ng taos-pusong pasasalamat sa mga guro ng lungsod.
“Hindi madali ang trabaho ninyo, sinasakripisyo ang oras at pahinga, pero tuloy-tuloy ang malasakit para sa mga estudyante. Kayo ang tunay na bayani na humuhubog ng future leaders,” wika niya. (ARNOLD PAJARON JR)
