Binanatan ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang inihain laban sa kanyang ethics complaint, na tinawag niyang “political retribution” matapos niyang ilantad sa plenaryo ang umano’y papel ni dating House Speaker Martin Romualdez sa flood control corruption scandal.
Ang reklamo, inihain ng abogadong si Eldrige Marvin Aceron, ay nagsasabing nakatanggap si Escudero ng P30 milyong campaign donation mula kay Lawrence Lubiano ng Centerways Construction and Development para sa kanyang 2022 Senate comeback bid, isang kumpanyang kabilang sa mga top flood control contractors na na-flag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pero giit ni Escudero, malinaw ang timing ng kaso.
“Hindi ko na ito ikinagulat. Ito ang kabayaran sa pagbanggit ko sa pangalan ni Martin Romualdez at sa pagbubunyag sa katotohanan. This is just part of the harassment from his minions. This isn’t about ethics. This is political retribution,” ani Escudero, gamit pa ang hashtag na #SelectiveJustice at #LabananAngScriptNiMartin.
Batay sa reklamo, tumaas nang todo ang kontrata ng Centerways sa Sorsogon, mula P720 milyon noong 2021 hanggang P15.9 bilyon mula 2022 hanggang 2025, matapos ang P30M donasyon kay Escudero.
“Ang laki ng agwat bago at pagkatapos ng donasyon, parehong sa timing at sa halaga. Lumilikha ito ng malakas na duda na may direktang koneksiyon,” ayon sa 21-pahinang reklamo.
Kinumpirma naman ni Senador JV Ejercito, chairman ng Senate Ethics Committee, ang reklamo pero sinabi niyang wala pang pulong tungkol dito at pag-aaralan kung “may pangangailangan pa” lalo’t iniimbestigahan na rin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang flood control deals.
Sa kabilang banda, akusado rin si Escudero na tumanggap ng P160 milyong kickbacks mula sa flood control projects, ayon kay dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo, bagay na mariin namang itinanggi ng senador.
Samantala, sina Romualdez at nagbitiw na Ako Bicol Rep. Zaldy Co ay isinasangkot din sa umano’y milyun-milyong pisong kickbacks. Isang whistleblower na ex-Marine na si Orly Guteza ang nagpatunay na naghatid siya ng maletas na puno ng cash sa tirahan ng dalawa, na kapwa nilang itinanggi.
