Sumailalim ngayon sa imbestigasyon si Senador Mark Villar, dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kaugnay ng umano’y conflict of interest matapos maiugnay sa P18.5 bilyong halaga ng proyekto na na-award sa kanilang pamilya habang siya ay nasa puwesto.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nagsimula ang imbestigasyon matapos lumabas ang mga ulat na nagdudugtong kay Villar at sa kanyang mga kamag-anak sa iba’t ibang kontratang pang-imprastraktura sa buong bansa, kabilang na ang mga hawak ng isang pinsan sa Las Piñas.
Sinabi pa ni Remulla na maaaring saklaw din ng imbestigasyon ang ibang miyembro ng pamilya Villar gaya ng kanyang inang si dating Senadora Cynthia Villar at kapatid na si Senadora Camille Villar, dahil sa kanilang mga posisyon at interes na may kaugnayan sa negosyo.
“At least 126 cases ang tinitingnan. Kabilang dito ang mga proyekto tulad ng school buildings, kalsada, asphalt overlay, at revetments. Sa initial report, nasa P18.5 bilyon ang kabuuang halaga,” pahayag ni Remulla.
Dagdag pa niya, bagama’t kasalukuyan pang bineberipika ang mga detalye, malinaw na ang isyu ay pasok sa conflict of interest rule na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na magkaroon ng tuwiran o di-tuwirang pakinabang sa mga kontrata ng pamahalaan.
“Ito ay isa lang sa 67 kaso na na-identify na sa Kongreso. Pero nationwide, maaaring umabot ito sa mahigit 200,” aniya.
Binigyang-diin din ni Remulla na saklaw ng kaso ni Villar ang parehong panahon ng kanyang panunungkulan bilang DPWH secretary at bilang mambabatas, kung saan ang partisipasyon sa budget deliberations habang may posibleng kaugnayan sa mga kontratista ay malinaw na isyung legal at etikal.
“This prohibited interest cannot be ignored. People know it is widespread, and it has to stop,” mariing pahayag ni Remulla.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na formal charge sheet ang DOJ, ngunit tiniyak ng kalihim na patuloy na binubuo ng mga imbestigador ang lahat ng ebidensya bago tuluyang magsampa ng kaso.
