CAINTA, Rizal – Binigyang-diin ni Mayor Kit Nieto na hindi umiiral ang eksklusibong sistema sa pagbibigay ng serbisyong medikal sa bayan ng Cainta, at iginiit na ang kalusugan ay dapat borderless o walang hangganan.
Sa isang panayam ng PaMaMaRiSan Rizal Press Corps, inihalintulad ng reporter ang unified ID system ng Makati na konektado sa social at medical services.
Dito, nilinaw ni Nieto na sa Cainta, hindi kinakailangan ng ganitong klaseng exclusivity upang makakuha ng tulong.
“Alam n’yo, wala kaming exclusivity rito. You know, everyone who goes to your place, to your hospital, seeking help. Dalawa lang ‘yan, nagmamadali o wala siyang pera. At anuman ang sitwasyon, obligasyon mong tulungan sila sa abot ng makakaya mo. Hindi mo sila pwedeng paalisin hangga’t hindi sila gumagaling. Iyon ang idea, iyon ang utopia,” pahayag ni Nieto.
Giit ng alkalde, hindi maaaring gawing lokal at makitid ang pananaw sa usapin ng kalusugan sapagkat ito ay usaping buhay at kamatayan.
“Kung wala silang pera, hindi natin sila pababayaan. Hindi pwedeng nakasalalay ang buhay sa kung may hawak kang ID o wala,” dagdag pa niya.
Ipinunto rin ni Nieto na ang kanyang istilo ng pamumuno ay nakabatay sa pag-unawa sa kalagayan ng karaniwang tao at sa pakikiramay sa kanilang pinagdaraanan.
Sa loob ng 12 taon ng kanyang panunungkulan, sinabi niyang napatunayan ng Cainta na kayang magbigay ng pantay na serbisyong medikal nang hindi nalulugi ang pamahalaan.
“Naniniwala ako sa universal karma. Kapag maayos ang plano, darating ang mga pagkakataon at sitwasyon na mas mapapabuti ang buhay ng mga taong gusto mong tulungan,” pagtatapos ni Nieto. (ARNOLD PAJARON JR)
