Umabot sa 1,699 persons deprived of liberty (PDLs) ang pinalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) mula Hulyo 31 hanggang Oktubre 1, 2025 sa iba’t ibang pasilidad ng piitan sa bansa.
Kabilang dito ang 185 PDLs na lumahok sa culminating ceremony kahapon sa New Bilibid Prison Compound sa Muntinlupa City, pati na rin sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa at Leyte Regional Prison.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., ang mga dahilan ng paglaya ay ang mga sumusunod:
- Acquittal – 202
- Cash bond – 2
- Granted probation – 41
- Habeas Corpus – 35
- Parole – 130
- Expired maximum sentence – 1,289
Giit ni Catapang, hindi lamang ito selebrasyon ng bagong kalayaan kundi pagpapatunay ng pagtutulungan ng BuCor at iba pang stakeholders upang matiyak ang makatarungan at makataong proseso, tungo sa mas makabuluhang rehabilitasyon.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Sandiganbayan Associate Justice Gener M. Gito, na nagsilbing panauhing pandangal, ang kahalagahan ng ikalawang pagkakataon.

“Ako po ay naniniwala na ang lahat ng nagkasala sa batas at nakulong ay may pag-asang bumangon. Hindi likas sa tao ang maging masama; ang likas sa tao ay ang pagiging mabuti,” ayon kay Gito.
Dagdag pa ni Gito, hindi dapat gawing batayan ng pagkatao ang nagdaang pagkakasala.
“Huwag ninyong hayaan na ang naging sentensya sa inyo ang syang maging kahulugan ng inyong pagkatao. Walang taong hindi nagkakamali, ngunit maari tayong bumangon muli,” aniya.
Ang mga pinalayang PDL ay mula sa iba’t ibang pasilidad:
- Correctional Institution for Women (CIW) – 97
- CIW-Mindanao – 6
- Davao Prison and Penal Farm – 194
- Iwahig Prison and Penal Farm – 215
- Leyte Regional Prison – 130
- New Bilibid Prison (Maximum) – 270
- NBP-Medium – 218
- NBP-Minimum – 209
- NBP-Reception and Diagnostic Center (RDC) – 27
- Sablayan Prison and Penal Farm – 180
- San Ramon Prison and Penal Farm – 153
Dumalo rin sa okasyon sina Justice Assistant Secretary Michelle Lapuz, Sergio Calizo Jr., Chairperson ng Board of Pardons and Parole, Atty. Ronald Macorol ng Public Attorney’s Office, at Almarin Tillah, Al Haj, presidente ng Muslim Association of the Philippines (MAPI). (MINA PADERNA)
