UMIGTING ang tensyon sa Senado matapos magbigay ng matinding manifestation si Senador Francis “Chiz” Escudero nitong Lunes, kung saan direkta niyang tinuro si dating House Speaker Martin Romualdez bilang nasa likod ng mga paninira at umano’y “script at sarswela” kaugnay sa flood control scam.
Sa kanyang privilege speech, iginiit ni Escudero na nililihis ang galit ng publiko laban sa Senado at mga senador, habang tinatakpan naman ang mga kongresista na tunay na nakikinabang sa ghost at substandard flood control projects.
“Kapag nagtuturo ka ng daliri sa iba, may tatlong daliri na palaging nakaturo pabalik sa’yo. Klarong-klaro ang script: ipitin ang mga dating DPWH officials, ipabanggit ang mga senador, pero takpan ang mga kongresista,” ani Escudero.
Pinangalanan din niya si Master Sgt. Orly Regala Guteza bilang bukod-tanging testigong nagpatotoo na personal na naghahatid ng maletang naglalaman ng bilyon-bilyong piso sa bahay ni Romualdez. Giit ng senador, ito’y kumpirmasyon ng mga pahayag nina Cong. Toby Tiangco at Mayor Benjamin Magalong hinggil sa umano’y pagkakasangkot ng dating Speaker sa anomalya.
Idiniin din ni Escudero na ginamit ni Romualdez ang mga pondong “For Later Release” (FLR) para ipuwersa ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, na tinanggihan umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. “Ginamit nila ang pangalan ng Pangulo para ilabas ang pondo—pero hindi ito umubra,” sabi niya.
Dagdag pa ng senador, si Romualdez ang nasa likod ng paninira laban sa kanya at sa Senado:
“Sinisisi niya sa akin ang pagkakatanggal kay Cong. Zaldy Co, ang pag-FLR ng kanilang proyekto, at ang pagkabasura ng impeachment kay VP Sara. Pero malinaw—lahat ng ito ay paninira at diversion.”
Mariin ding kinondena ni Escudero ang umano’y selective justice kung saan puro senador ang iniimbestigahan habang nananatiling ligtas ang mga kongresista.
“Bakit walang Congressman na iniimbestigahan? Bakit kapag Senador, freeze order agad, pero kapag Congressman—lalo na si Martin Romualdez—‘we will work on it’ lang?”
Sa dulo ng kanyang talumpati, hinikayat ni Escudero ang Senado at publiko na huwag magpaloko:
“Punitin natin ang script ni Martin Romualdez! Huwag tayong magpadala sa kanyang sarswela. Lalabanan ko siya at ipaglalaban kong ipatawag at imbestigahan siya kasama ng lahat ng kasangkot.”
Sa ngayon, nananatiling nakatutok ang publiko sa mas lumalalim na hidwaan sa pagitan nina Escudero at Romualdez, habang patuloy ang imbestigasyon sa multibilyong pisong flood control scam na yumanig sa Kongreso.
Hindi naman pinalampas ni Romualdez ang patutsada ni Escudero. Sa kanyang pahayag, tinawag ng dating Speaker na walang basehan at “DDS script” lang ang privilege speech ng senador.
“Walang bago, at wala ring katotohanan. Instead of answering the serious questions he himself must face, Sen. Escudero chose to deflect. He did not deny the allegations against him. He did not explain his own role in flood-control kickbacks. Imbes na magpaliwanag, nanisi siya,” ani Romualdez.
Giit pa nito, ang naging talumpati ni Escudero ay hindi umano para sa katotohanan kundi bahagi ng kanyang political positioning at pagpapakita ng loyalty kay Vice President Sara Duterte.
Parehong ngayong nadadamay ang mga pangalan nina Escudero at Romualdez sa lumalaking kontrobersya ng flood control scam na yumanig sa tiwala ng publiko sa Kongreso.
Batay sa mga imbestigasyon, bilyon-bilyong piso ang umano’y inilaan sa mga kuwestiyonableng flood control projects, na sinasabing pinagmulan ng malalaking kickbacks para sa ilang mambabatas.
Habang patuloy ang bangayan ng dalawang beteranong pulitiko, lalong lumalalim ang bitak sa loob ng political establishment at nananatiling malaking katanungan kung sino ang tunay na may pananagutan sa isa sa pinakamalalaking iskandalo ng korapsyon na yumanig sa lehislatura sa mga nagdaang taon.
