NAGBITIW na sa puwesto si Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co nitong Lunes, Setyembre 29, matapos bigyan ng ultimatum ng liderato ng Kamara na bumalik sa bansa o humarap sa posibleng diciplinary actions.
Sa kanyang liham kay House Speaker Bojie Dy, iginiit ni Co na ang kanyang pagbibitiw ay dahil sa natatanggap sa banta sa kanyang buhay at ng kanyang pamilya, gayundin sa umano’y paglabag sa kanyang karapatang pantao at due process.
“Ako Bicol will inform your good office of the nominee who will take my place in the House of Representatives,” dagdag ni Co.
Matatandaang hindi nakadalo si Co mula pa nang magsimula ang 20th Congress dahil umano sa pagpapagamot sa ibang bansa.
Ngunit kamakailan ay binawi ni Speaker Dy ang travel clearance na dating ibinigay sa kanya ni dating Speaker Martin Romualdez, at inutusan siyang umuwi bago sumapit ang Setyembre 29.
Noong Setyembre 25, nagsumite pa si Co ng liham na nagsasaad ng kanyang intensyong bumalik, subalit humiling ito ng katiyakan sa seguridad ng kanyang pamilya bago makauwi.
Samantala, nagsampa na ng reklamo laban kay Co sa House ethics committee ang kanyang katunggali sa politika na si Navotas Representative Toby Tiangco.
Sa parehong liham kay Dy, pinabulaanan ni Co ang alegasyon na siya ang nagpahintulot sa umano’y last-minute insertions sa 2025 national budget habang siya ang namumuno noon sa House appropriations committee.
Mariin din niyang itinanggi na obligadong siyang magsumite ng medical certificate para sa kanyang pagliban, at sinabing wala siyang personal na pakinabang mula sa mga proyektong nakuha ng Sunwest Construction, ang kumpanyang kilalang “super-contractor” sa Bicol na nakakuha ng bilyong pisong flood control at iba pang kontrata ng pamahalaan.
Unang napaulat na nitong Marso na bagama’t nag-divest na si Co ng kanyang shares sa Sunwest, nananatili pa rin umano siyang beneficiary owner nito sa pamamagitan ng kanyang pagmamay-ari ng shares sa sister companies ng naturang firm.
