MAGKATUWANG na kikilos sina Quezon City Mayor Joy Belmonte at San Miguel Corporation (SMC) Chairman at CEO Ramon S. Ang upang tugunan ang matinding pagbaha na nararanasan sa lungsod.
Sa isang pulong, tinalakay ang mga proyektong nakatakdang isulong kabilang ang pagtatayo ng detention basin sa G. Araneta Avenue, paglalagay ng stormwater storage tunnel system, at dredging works sa mga creek at daluyan ng tubig sa Quezon City.
Kasama ni Mayor Belmonte sa naturang pagpupulong sina District 1 Action Officer Ollie Belmonte at City Engineer Atty. Dale Perral.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng mga inisyatiba na mapagaan ang epekto ng pagbaha at mapahusay ang kapasidad ng lungsod sa disaster resilience sa harap ng lumalalang climate risks. (MINA PADERNA)
