MANILA, Philippines — Nakapagtala ang motorcycle ride-hailing firm na Move It ng pinakamaraming kaso ng aksidente sa kalsada sa hanay ng Motorcycle Taxi Vehicle Services (MTVS) noong nakaraang taon, batay sa datos ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) na inilatag sa pagdinig ng House Committee on Transportation.
Ayon sa ulat ng HPG, umabot sa 476 aksidente o 35.2 porsiyento ng kabuuang kaso ang kinasangkutan ng Move It mula 2024 hanggang 2025. Sumunod dito ang Grab na may 293 insidente (21 porsiyento), Joyride na may 240 (17.7 porsiyento), habang ang Angkas (236) at Lalamove (208) ay nakapagtala ng mas mababang bilang.
Sa kabuuan, naitala ang 31,258 vehicular crashes sa buong bansa noong 2024, mas mataas ng 27.6 porsiyento kumpara sa 24,495 kaso noong 2023.
Bagama’t nasa 1,353 kaso lamang o 0.04 porsiyento ng kabuuang aksidente ang may kaugnayan sa motorcycle taxis, iginiit ng mga mambabatas na seryosong usapin pa rin ito sa usaping kaligtasan sa kalsada.
Dahil dito, nanawagan si Rep. Brian Llamazares, chairman ng House transportation panel, ng masusing pagsusuri sa proseso ng pagbibigay ng lisensya ng Land Transportation Office (LTO).
Aniya, dapat ipatupad ang isang mandatory motorcycle safety driving program para sa mga bagong aplikante at sa mga magre-renew ng kanilang lisensya.
“Road safety is a matter of life and death. Kailangan nating tukuyin kung masyadong maluwag ang licensing rules o hindi ito mahigpit na naipatutupad,” ani Llamazares.
Nakasaad sa panukalang programa ang pagsailalim ng mga rider sa skills-based training na saklaw ang defensive driving, hazard awareness, at road courtesy. Mayroon din itong periodic revalidation para sa mga propesyonal na gumagamit ng motorsiklo sa ride-hailing at delivery services.
Batay pa sa ulat ng HPG, 87 porsiyento ng motorcycle crashes noong 2024 ay dulot ng mga paglabag tulad ng overspeeding, maling pag-overtake, distracted driving, at pagmamaneho nang lasing. Naniniwala ang mga eksperto na makatutulong ang sistematikong pagsasanay upang mabawasan ang mga insidenteng ito.
Ipinunto rin ng mga tagapagtaguyod ng kaligtasan sa kalsada ang “No Training, No Hire” policy ng Angkas, na nagbunga ng 99.997 porsiyentong safety record ng kompanya, batay sa third-party audit.
“Ang tagumpay ng Angkas ay malinaw na patunay na epektibo ang mandatory training. Kung kaya itong ipatupad ng pribadong sektor, lalo nang dapat gawin ng pamahalaan sa pambansang antas,” ayon kay Dr. Paul Chua, road safety advocate.
Dagdag pa ng mga tagasuporta ng panukala, ang nasabing programa ay hindi lamang makapagliligtas ng buhay, kundi makatutulong din sa pagpapabuti ng pangkalahatang rekord ng kaligtasan sa kalsada sa Pilipinas.
