NAITALA ng Eastern Police District (EPD) ang 3.87 porsyentong pagbaba sa kaso ng kriminalidad sa Metro East mula Setyembre 13 hanggang 19, 2025, kumpara sa nakaraang linggo.
Ayon sa ulat, nakapagtala ang EPD ng 14.22 na insidente ng krimen sa nabanggit na panahon, mas mababa kaysa 18.09 na kaso mula Setyembre 6 hanggang 12.
Ang pagbaba ay iniuugnay sa pinaigting na operasyon at istriktong pagpapatupad ng batas ng EPD, sa pangunguna ni PBGEN Aden T. Lagradante, District Director, alinsunod sa direktiba ni PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., Acting Chief PNP, at ni PMGEN Anthony A. Aberin, NCRPO Regional Director.
Gayundin, pinaigting ng EPD ang kampanya laban sa mga wanted na indibidwal, nahuli ang kabuuang 58 na suspek, kabilang ang isang Top Most Wanted Person, 3 Most Wanted Person at 54 Other Wanted Persons.
Sa operasyon naman laban sa iligal na droga, nagsagawa ang EPD ng 31 na operasyon, na humantong sa pagkakaaresto ng 37 indibidwal. Kasama sa mga nakumpiskang droga ang 158.26 gramo ng shabu, 60g na kush at ang iba pang drug paraphernalia na may kabuuang Standard Drug Price na PHP 1,166, 236.00 at sumasalamin sa hindi natitinag na hangarin ng EPD na puksain ang ilegal na droga sa nasasakupang lugar.
Sa kampanya naman laban sa iligal na pagsusugal, ang EPD ay nakapagsagawa ng 5 na operasyon, na humantong sa pagkakaaresto sa 9 indibidwal at pagkakumpiska ng Php 1,770 na taya.
Naging matagumpay din ang mga pagsisikap na labanan ang mga iligal na paghawak ng baril o loose firearms na mayroong 4 operasyon at nakumpiska ang 4 na baril at pagkakaaresto ng 4 indibidwal habang 2 naman ang kusang sumuko.
“Tinitiyak ng kapulisan ng EPD na ipatutupad ang batas at huhulihin ang mga nagkasala,” pahayag ni PBGEN Lagradante.
“Sa mga susunod pang araw, linggo at buwan, sisiguraduhin naming masugpo ang ilegal na droga at mahuli ang mga nagtatagong kriminal, alinsunod sa PNP Police Operational Procedures at habang iginagalang ang karapatang pantao,” dagdag pa niya.
