Iba’t ibang sektor sa Iloilo ang nagtipon para ipahayag ang kanilang sama ng loob laban sa laganap na korapsyon, sa ginanap na “Trillion-Peso March” kahapon.
Sa pagtitipon, malinaw ang naging mensahe na ang korapsyon ay hindi lamang usaping politikal, kundi isang “gut issue” na sumasakal sa kabuhayan, edukasyon, kalusugan, at kinabukasan ng mga mamamayan.
Sa panig ng kabataan, binigyang-diin ni Reaven Blair Siasat, 21, ng West Visayas State University at miyembro ng Pamatan-on Kontra Korapsyon, na ang sistematikong pagnanakaw sa kaban ng bayan ay direktang nakaaapekto sa kinabukasan.
“Corruption not only robs the nation of its resources, but also creates immense challenges for the youth,” aniya.
Para naman sa mga mangingisda, mas malinaw ang kawalang-katarungan.
“Kami na naghahanapbuhay lang ang hinuhuli sa maliliit na pagkakamali, habang ang malalaki at makapangyarihan ay nakalulusot sa korapsyon,” ayon kay “Mario,” 45, mula sa hilagang baybayin ng Iloilo,
Binatikos din ni dating Ajuy Councilor Pepe Baterna, 63, ang malalim na ugat ng problema.
“Corruption and drugs are the true enemies of our society. Hindi lang ito usapin ng flood control, kundi kabuuang pagkabigo ng gobyerno,” aniya.
Maging ang simbahan ay mariing nagsalita.
“It’s the poor who suffer the most, and the pain is unbearable. Corruption is not just a political issue; it’s a moral one,” ani Susan Carpio, 66, ng Dios Gugma community.
Nagpahayag din ng galit ang mga ordinaryong nagbabayad ng buwis.
“Taxes are tripling, yet what do we get in return? They steal from us. Every government agency should be investigated,” ani Marlon Aspiracion, 55.
Sa sektor ng edukasyon, iginiit ni Roby Magbanua, 65, ng Alliance of Concerned Teachers–Region 6, na “Rampant and systematic corruption robs our schools of much-needed funds. Kung nagagamit nang tama ang pondo, mas marami sanang silid-aralan, libro, at guro.”
Hindi rin nagpahuli ang kababaihan, na inilahad ang epekto ng katiwalian sa serbisyong panlipunan.
“Billions are stolen while the poor line up in hospitals without medicine or food. This is our money, and they must be jailed,” ayon sa isang kinatawan ng women’s group.
Nagsimula ang martsa sa Jaro Plaza at nagtapos sa Iloilo Provincial Capitol. Para sa mga lumahok, ang laban kontra korapsyon ay hindi na teorya o diskurso sa pulitika.
Ito ay nararamdaman sa tiyan ng mga nagugutom, sa silid-aralan ng mga estudyante, sa bangkang ginagamit ng mga mangingisda, at sa bawat resibo ng buwis na ibinabayad ng karaniwang Pilipino.
