Photo courtesy of Bagwis
NAKATAKDANG magtipon ang mga mamamayan sa Luneta ngayong Setyembre 21 para sa kilos-protesta laban sa flood control corruption at mga “ghost projects” na ibinunyag sa mga imbestigasyon ng Kongreso.
Ang pagtitipon na tinawag na “Baha sa Luneta: Aksyon Laban sa Korapsyon” ay pinangungunahan ng mga youth groups, civil society organizations, unyon ng manggagawa at iba pang sektor.
Ayon sa convenors, layon ng protesta na buhayin ang diwa ng People Power na lumaban sa katiwalian at paniningil ng pananagutan.
“We seek to channel that same spirit that defeated corruption in critical moments of our history,” ani Khylla Meneses, secretary general ng Akbayan Youth at lead convenor ng Youth Against Kurakot.
Para sa mga organizers, hindi lamang ang mensahe ang mahalaga kundi pati ang bilang ng mga makikiisa. Malaki ang impluwensiya ng crowd size sa media coverage, public perception, at maging sa tugon ng pamahalaan.
Ipinaliwanag ng mga eksperto na bukod sa simbolismo, ang pagtaya ng dami ng tao ay usapin din ng public safety, para sa mga emergency responders, transport at sanitation planning.
Ang pinakakilalang paraan ng crowd estimation ay ang Jacobs Method, kung saan sinusukat ang lawak ng lugar at tinataya ang density ng tao bawat square meter.
Sa global standard, ang medium density ay nasa apat na tao kada square meter, habang ang maximum capacity ng Luneta ay nasa 1.2 milyon katao, ayon sa urban planner na si Paulo Alcazaren.
Samantala, si Dr. Giovanni Tapang ng UP College of Science ay nagsabing ang central quadrangle ng Rizal Park lamang ay maaaring maglaman ng humigit-kumulang 170,000 katao sa apat kada metro kuwadrado.
Bukod sa tradisyunal na kalkulasyon, ginagamit na rin sa ibang bansa ang mga drone, satellite images, at balloon-mounted cameras para masuri ang dami ng mga nagtitipon. Mayroon ding AI-driven mapping ngunit may kaakibat na privacy concerns.
Mga naunang dambuhalang pagtitipon sa Luneta
• 1995 World Youth Day (Pope John Paul II): 4–5 milyon
• 2015 Papal Mass (Pope Francis): higit 6 milyon
• 1986 “Tagumpay ng Bayan”: 2 milyon
• 2013 Million People March: 100,000–400,000
• 2012 Iglesia ni Cristo evangelical mission: hanggang 600,000 (police estimate)
Ipinapakita ng kasaysayan na ang Luneta ay susing entablado ng malalaking pagtitipon para sa pananampalataya, politika, at panawagan ng pagbabago.
Ayon sa organizers, tampok sa programa ang mga talumpati, cultural performances, at panawagan para sa transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Tinatayang nasa 400,000 hanggang 600,000 ang maaaring lumahok kung maaabot ng pagtitipon ang medium density ng Rizal Park, na maaari pang madagdagan kung may spillover sa kalapit na kalsada.
Gayunpaman, nilinaw ng mga eksperto na dapat magbigay ng range estimates at hindi iisang numero, dahil maraming salik ang nakakaapekto sa crowd count gaya ng panahon, transportasyon, at crowd management. (BOYET BARBA JR)
