INIHAYAG ni Navotas Representative Toby Tiangco na wala na aniyang dahilan si Ako-Bicol Rep. Zaldy Co at dapat nang ipaliwanag nito ang mga insertion na ginawa niya sa 2025 national budget.
“Wala nang pwedeng idahilan si Cong. Zaldy Co dahil mismong ang Speaker na ang nagpapauwi sa kanya. Panahon na para magpakita siya sa taumbayan at magpaliwanag kung saan napunta ang mga insertions niya sa 2025 national budget,” sabi niya.
Nagpasalamat naman si Tiangco kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III para sa revoking ng travel clearance ni Co at pag-uutos nito sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas.
“Maraming salamat sa ating bagong Speaker dahil inaksyunan niya agad ang isyung ito. Matagal na nating sinasabi na kailangang humarap ni Cong. Zaldy sa mga hearing dahil may mga bagay na siya lang ang makakasagot,” pahayag ni Tiangco.
Pinuri niya ang utos ng Speaker, at sinabing ito ay isang mahalagang hakbang sa pag-alinlangan na ang mga tunay na reporma ay ipapatupad kasunod ng pagpapatalsik kay dating Speaker Rep. Martin Romualdez.
“Ipinapakita ng utos na ito ni Speaker na talagang may pagbabagong dala ang pagpapalit ng pamunuan ng Kongreso. Ipinapakita din nito na walang pinagtatakpan ang kanyang liderato,” dagdag niya.
Sa inaasahang pagbabalik ng Co, nagpahayag si Tiangco ng pag-asa na sa wakas ay magbibigay-liwanag sa mga insertion na ginawa ng 2024 small committee.
“Siguro naman pagkatapos ng napakahabang panahon ay handa na siyang ilabas ang hinihingi nating minutes at reports ng kanilang mga meeting sa small committee,” ayon kay Tiangco.
“The Filipino people need to know. Only by baring all the insertions made in the small committee can we finally show real transparency and preserve the integrity of Congress as an institution,” dagdag niya. (JUVY LUCERO)
