SA gitna ng matagumpay na pag-anunsyo ng mga operasyon ng Calabarzon Police Regional Office 4A (PRO 4A) laban sa illegal na sugal, hindi mapigilan ang pagdududa ng publiko:
Totoo bang epektibo ang mga ito, o isa lamang pakitang-tao, isang “Moro-moro” na ningas-kugon na mabilis namamatay pagkatapos ng press release? Ayon sa opisyal na datos na inilabas ng PRO 4A noong Setyembre 8 hanggang 14, 2025, sa pamumuno ng muling nagbabalik na Regional Director na si Police Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, nakapagtala sila ng 155 na police operations, na nagresulta sa pag-aresto ng 377 na personalidad na sinampahan ng kaso laban sa 57, at pagkumpiska ng halagang P76,514.00 mula sa mga ilegal na aktibidad. Ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa mga paglabag sa Presidential Decree 1602 at Republic Act 9287, o ang Anti-Illegal Gambling Law.
Ngunit sa kabila ng mga nakakabilib na numero, hindi maikakaila ang malalim na pagdududa ng maraming residente sa rehiyon, lalo na sa Batangas, kung saan ang mga illegal na pasugalan ay parang mga kabuteng nagsulputan sa komunidad na hindi maabutan ng kamay ng batas. Karamihan sa mga biktima—mga kabataan at mga benepisyaryo ng mga programa ng gobyerno tulad ng 4Ps, AICS at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD)—ay nahuhulog sa mga may daya na laro tulad ng color games, drop balls, sakla, beto-beto, at sky lab.
Ang mga ito ay hindi lamang lokal; ginagamitan din ito ng live streaming sa social media at group chats upang maabot ang mga taga-ibang lugar, na nagpapalaki ng kita ng mga operator na walang lisensya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) o Games and Amusement Board (GAB).
Mas malala pa, ang ilang operasyon ay hinahaluan din ng bentahan ng ilegal na droga, kasabwat ang mga tiwaling pulis at drug pushers, na nagpapahiwatig ng mas malalim na korupsyon at pagsira ng kinabukasan ng mga lulong sa bisyo ng sugal.
Sa Batangas, na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) sa pamumuno ni P/Colonel Geovanny Emerick Sibalo, ang mga kwento ng mga residente ay hindi na bago: Nagpapatuloy ang pamamayagpag ng perya sugalan ni Ka “Norma” sa Brgy. Del Pilar, San Pascual, na madalas na nagtitimbre at nagbubulgar ng mga pangalan ng mga opisyal mula sa Camp Crame, provincial director, regional director, at mga lokal na opisyal na nakikinabang sa linggohan at buwanang payola sa kanyang mga pasugalan.
Sa Barangay San Mateo by pass road ay si “Eder” o “Napo ng Taal” ang sentro ng mga aktibidad hindi umano kayang patigilin ni San Pascual PNP OIC Major Raymon Dayagan.
Sa Tanauan City, sa mga barangay tulad ng Darasa at Sambat, ang mga operator tulad nina alyas Rommel at Pajon—na dating nakalista sa war on drugs noong panahon ng Duterte administration—ay nagpapatuloy sa kanilang mga operasyon, na nagiging sanhi ng pagkabalisa ng mga residente sa ilalim ng pamunuan ni Tanauan City Police Chief LtCol. Caesar Ian Binucal.
Sa Padre Garcia, sa pangunguna ni Police Chief Major Frank Davis Tuddao, ang mga pasugalan, babaehan, at bentahan ng droga nina alyas Glenda ay nananatiling malakas ang tayaan.
At sa mga lugar tulad ng Brgy. Banaba at Sambat, nina alyas Tisoy at Nonit—na umano’y operator din ng Small Town Lottery (STL) cum “jueteng”—ay walang humpay na kita. Sa Calaca City, Brgy. Poblacion, si alyas “Arnel Bangag” ang nagpapatakbo ng pasugalan, na sinasabing front ng isang city councilor.
Sa Taysan, Poblacion, naman, si alyas Rhodalyn ang may ari ng perya sugalan at si Arnaiz ang namamahala sa mga bookies ng STL.
Sa lalawigan ng Cavite na pinamumunoan ni Police Provincial Director Colonel Ariel Red, kalat din ang mga puwesto pijo ng mga peryang may sugal sa bayan ng Naic ay kay Maricon Melgaso, sa Indang hawak umano ng isang P/Lieutenant Atas.
May mga puwesto din ng mga perya-sugalan sa bayan ng Silang, Dasmarinas, Tanza, Kawit, Rosario, Cavite City, Imus City, General Mariano Alvarez, Tagaytay,Alfonso, Mendez at Amadeo na kinukolektahan di umano ng 45K na weekly payola ng mga tauhan ng Cavite PPO at CAvite CIDG-PFU ayon na rin sa isang mapagkakatiwalaang impormante.
Hindi pa doon natatapos ang listahan ng mga akusasyon: Namamayagpag din ang mga pangalan nina alyas Sgt. Adlawan, Jamal, Amboy, at alyas Sgt. Sandoval, Rico Posadas, “Hero”, Sgt. Jorge o Roger (S2 Cavite), Deanson, sa Quezon ay si alyas “Jami” Ret. PNP bilang mga kolektor ng “payola de inteligencia” o “tongpats” mula sa mga operator tulad nina alyas “Baby” Panganiban at Aling Tessie Rosales at iba pa sa buong Rehiyon.
Ang mga ito ay deka-dekadang negosyo na kumikita ng milyones, walang lugi dahil sa paghahalo ng droga, white slavery (pambubugaw sa mga babae), at ginagamitan ng illegal online gambling na nagtatago sa likod ng mga karnabal at perya. Ito ay hindi lamang paglabag sa batas; ito ay pagtataksil sa tiwala ng publiko sa trabaho ng kapulisan. (KOI HIPOLITO)
