Binawi na ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang ipinatupad na suspensyon sa mga procurement o bidding ng mga locally-funded projects ng kagawaran.
Matatandaang noong Setyembre 6 ay pansamantalang ipinatigil ni Dizon ang bidding activities kasunod ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa ilang flood control projects.


Batay sa memorandum na may petsang Setyembre 16, sinabi ni Dizon na kailangang ituloy ang mga bidding upang maiwasan ang pagkaantala sa implementasyon ng mga kritikal na pambansang imprastraktura.
Kasabay nito, ipinag-utos ng kalihim ang pagpapatupad ng mga preliminary measures sa bidding process gaya ng live streaming ng mga bidding activities, geotagging ng project sites, validation sa road at bridge information application, paggawa ng straight line diagram, paghahanda ng parcellary plan, paggamit ng project at contract management application, pagsasagawa ng splitting of contracts, net financial contracting capacity validation, at
disclosure ng relations at beneficial ownership.
Babala pa ng DPWH, ang hindi pagsunod sa mga bagong alituntunin ay magiging sapat na dahilan upang ipagpaliban o kanselahin ang bidding.
Maaari rin umanong maharap sa administratibo at/o kasong kriminal ang mga opisyal at empleyadong mapapatunayang responsable, alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.
