SA ibabaw ng mesa, ang sinasabing “decoupling” ng PAGCOR ay parang reporma. Maganda raw na hiwalay na lang ang pagiging operator at pagiging regulator, para hindi na sila parehong referee at player. Sa papel, mukhang tama. Pero sa ilalim ng mesa, kung tititigan mong mabuti, para lang itong balasahan ng baraha na alam mong may daya.
Una, trabaho agad ang nakataya. 8,000 hanggang P10,000 empleyado ang puwedeng mawalan ng hanapbuhay. Hindi lang ito mga numero sa Excel file tao ito, pamilya, anak na papasok sa eskwela, mga utang na babayaran, mga reseta sa botika na hindi libre. Habang ang mga malalaking opisyal at abogado ay abala sa pagtalakayan kung “constitutional” o hindi, ‘yung mga ordinaryong empleyado ay nasa bingit ng kawalan. Sa madaling salita, bayan ang sabong, pero tao ang manok.
Ikalawa, klaro ang direksiyon itulak ang online gambling. Eh ito pa ang mas delikado. Sa pisikal na casino, may oras ng bukas at sarado, may bantay, may regulasyon. Pero online? 24/7 bukas. Bata man o matanda, estudyante man o tambay, puwedeng pasukin. Ang tanong: paano ito mare-regulate? Hindi sapat ang mga tarpaulin na “gambling is addictive” o pakitang-gilas na crackdown sa ilang illegal sites. Habang lumalaki ang kita online, lumalaki rin ang panganib na lalong malulubog sa sugal ang publiko.
Kung titingnan mo, parang double standard. Habang sinisira ang mga casino sa pisikal bawas lamesa, bawas amenities, bawas laro, pati tubig tinitipid binubuhusan ng puhunan at atensyon ang online. Hindi ba’t malinaw na sinasadya nilang gawing bulok ang Casino Filipino para lumabas na “hindi na sustainable” at mas madaling ibenta?
Ikatlo, may mas malaking larawan ito. Sa ekonomiya ng bansa na hirap makabangon, ang inaasahang revenue mula sa casino ay malaking bagay. Pero kung ibebenta lang ang mga ari-arian ng gobyerno at ipapasa sa pribadong sektor, sino ang talo? Bayan. Sino ang panalo? Mga negosyante at sindikato sa likod ng online gambling. Ang kinikita sana ng gobyerno para sa serbisyo publiko, lilipat lang sa bulsa ng iilan.
Ikaapat, sosyo-kultural na epekto. Ang sugal ay matagal nang sakit ng lipunan. Pero imbes na baguhin ang kultura ng pagkakasangkot sa sugal, mas lalo itong ginagawang accessible. Hindi na kailangang lumabas ng bahay para magsugal cellphone at load lang, solve na. Ano’ng epekto nito sa kabataan? Sa mga pamilya? Sa mga taong hirap na nga sa buhay, pero matutuksong tumaya dahil umaasang “baka tumalab”?
Kaya kung tutuusin, hindi ito tunay na reporma. Isa lang itong malaking sabwatan para ipasa ang kita sa mas malabong sektor. At gaya ng laging istorya sa Pilipinas, ang ordinaryong mamamayan na naman ang naiipit.
Sa kalyeng salita: kung totoo talagang para sa bayan ang laban na ‘to, bakit parang bayan ang unang talo?
Disclaimer: Ang opinyong ito ay personal na pananaw ng may-akda. Hindi ito opisyal na representasyon ng anumang institusyon, at wala itong layuning manira ng sinumang indibidwal o organisasyon. Layunin nitong magbigay ng kritikal na pagsusuri at hamunin ang mga nasa kapangyarihan na ilagay ang kapakanan ng tao higit sa interes ng negosyo o pulitika.
