MATAGUMPAY na nasabat ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang tinatayang 6,000 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱40.8 milyon sa Customs Arrival Area ng NAIA Terminal 3.
Isang Swiss national na dumating mula Abu Dhabi ang nadiskubre matapos ma-flag sa routine x-ray scanning. Nang isailalim sa 100% physical examination ang kanyang bagahe, natuklasan ang apat na plastic packs ng puting kristal na substansiya na nakatago sa gilid ng maleta.
Kinumpirma ng PDEA K9 Unit at spectrometer test na ang laman ay Methamphetamine Hydrochloride. Agad na inaresto ang pasahero dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at ipinaalam ang kanyang mga karapatan bago isagawa ang imbentaryo ng ebidensya.
Kinumpirma ng awtoridad ang kabuuang net weight na 6,000 gramo ng shabu, na may standard value na ₱40.8 milyon. Ang suspek at ang nakumpiskang droga ay agad na isinailalim sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa mas malalim na imbestigasyon.
“This operation is a clear message to international drug syndicates: the Philippines will not be a gateway for illegal drugs,” ani Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na nagpuri sa kahandaan ng frontline personnel.
Dagdag pa ni District Collector Alexandra Y. Lumontad, “This success highlights the unrelenting commitment of the Bureau of Customs to secure our borders. Our enforcement efforts will continue to intensify in coordination with our partner agencies.”
Tiniyak ng BOC-NAIA ang patuloy nitong suporta sa kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. laban sa ilegal na droga at ang mas pinaigting na pagbabantay sa mga pantalan at paliparan ng bansa. (MINA PADERNA)


