SISIMULAN na ng Alas Pilipinas ang kanilang kampanya sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship kontra sa world No. 42 Tunisia ngayong Biyernes, Setyembre 12, sa Mall of Asia Arena.
Kasunod ng 4:30 p.m. opening ceremony na tampok ang K-pop group na BOYNEXTDOOR, uumpisahan ang laban alas-7:00 ng gabi na magsisilbing pambungad sa prestihiyosong torneo na kalahok ang 32 top teams mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Bagamat nakapuwesto lamang sa world No. 82, buo ang determinasyon ng Alas Pilipinas na gumawa ng marka at baguhin ang pananaw ng bansa sa men’s volleyball.
Pinamumunuan ng Italian coach Angiolino Frigoni, dumaan ang koponan sa serye ng training camps sa Europa bilang paghahanda sa matitinding kalaban sa Pool A, kabilang ang world No. 13 Iran at reigning African champion world No. 23 Egypt.
Bitbit ng team ang mga beterano tulad nina Bryan Bagunas at Marck Espejo, katuwang ang mga batang alas na sina Leo Ordiales, Michaelo Buddin, Jade Disquitado, at Louie Ramirez. Kasama rin ang middle blockers na sina Kim Malabunga, Peng Taguibolos, at Lloyd Josafat, gayundin ang liberos na sina Jos Ybañez, Jack Kalingking, at Vince Lorenzo.
“Please come. We need you. Don’t let us fight alone,” panawagan ni Frigoni sa mga Pinoy fans.
Bagamat wala si Wassim Ben Tara, inaasahang malakas pa rin ang Tunisia na may 11 African titles at pinamumunuan ng mga beteranong sina Hamza Nagga at Elyes Karamosli.
Magtutuloy-tuloy ang elimination round hanggang Setyembre 18 sa MOA Arena at Smart Araneta Coliseum, kung saan ang top two teams mula sa bawat grupo ay uusad sa knockout Round of 16.
“Mabuhay ang Philippine volleyball! Let’s show the world that we are one of the best fans in the world,” pahayag ni Ramon “Tats” Suzara, pangulo ng PNVF at executive VP ng FIVB. RON TOLENTINO
