Comedy meets controversy! Inilabas ng Bubble Gang ang teaser para sa kanilang pinakabagong parody kung saan si Michael V. mismo ang gaganap bilang tinaguriang “flood control queen.”
Sa first-look photos na inilabas nitong Biyernes, may nakakalokong caption ang BG.
“May sasabihin pa siya! Abangan ang kanyang hearing ngayong Linggo, Sept. 14, 6:10 p.m. sa #BBLGANG.”
Kasama ito sa 30th anniversary season ng longest-running gag show sa bansa, na kilala sa pagbanat sa mga isyu sa pop culture at maiinit na personalidad.
Ang spoof ay sumabay sa mainit na imbestigasyon hinggil sa umano’y anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kinasasangkutan ng Discaya couple.
Nagsimula ang isyu nang mag-post si Pasig City Mayor Vico Sotto sa social media kung totoo bang tig-₱10 milyon umano ang binayad para sa lifestyle features nina Korina Sanchez at Julius Babao tungkol sa mag-asawang Discaya.
Nadiskubre kalaunan na contractors ang Discayas na may siyam na construction firms, at lahat ay nagsumite ng bid para sa iisang proyekto—kaya’t siguradong sila pa rin ang panalo kahit anong kumpanya ang manalo sa bidding.
Kabilang sa mga pinangalanang umano’y binigyan ng milyon-milyong suhol ang mga actor-politicians na sina Arjo Atayde at Jinggoy Estrada, na kapwa itinanggi na ang akusasyon.
Samantala, naalis din sa puwesto si Senador Francis “Chiz” Escudero bilang Senate president matapos lumabas na tumanggap umano siya ng ₱30 milyon para sa kanyang nakaraang kampanya.
