Lumabas hindi lang sa maanomalyang flood control projects kundi pati sa kanyang personal na buhay si dating Bulacan First District Assistant Engineer Brice Ericson Diaz Hernandez, matapos mabulgar na dalawa umano ang kumikilala sa kanya bilang asawa.
Batay sa dokumentong nakalap ng Politiko, si DPWH Engineer Mel Clarisse Sto. Domingo ay nagtala kay Hernandez bilang kanyang asawa sa kanyang 2022 Personal Data Sheet (PDS), na obligadong isinusumite taon-taon ng mga kawani ng gobyerno. Nakasaad din doon na kasal siya at may anak na gumagamit ng apelyidong Hernandez.
Nagpatibay pa sa ugnayan ng dalawa ang biglaang pagbibitiw ni Sto. Domingo noong Setyembre 1, 2025, ilang linggo matapos siyang maitalaga ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan bilang officer-in-charge ng Technical Services Division ng Bureau of Research and Standards. Epektibo ang kanyang pagbibitiw sa Setyembre 19.
Ngunit ayon sa ilang kaibigan ni Sto. Domingo, annulled na raw ang kanilang kasal halos isang dekada na ang nakalipas. Subalit nakapagtataka na nakatala pa rin sa kanyang 2022 PDS si Hernandez bilang kanyang legal husband.
Lalong kumumplikado ang usapin nang mabunyag ang umano’y kasalang naganap sa pagitan ni Hernandez at Rica Fausta Abacan noong Setyembre 9, 2023, sa Tagaytay Highlands. Tampok pa sa kanilang resepsyon ang performance ng sikat na bandang Freestyle.
Nakasaad sa hiwalay na dokumento na si Abacan ay kawani ng Government Service Insurance System (GSIS) noong 2022.
Dahil sa masalimuot at mabagal na proseso ng annulment sa Pilipinas, nababahala kung paano agad naiproseso ni Hernandez ang annulment (kung totoong naisakatuparan nga ito) at nakapagpakasal kay Abacan makalipas lamang ang isang taon mula nang lumabas sa PDS ni Sto. Domingo na siya’y kasal pa rin.
Tanging opisyal na annulment documents ang makakapagpatunay kung sino talaga ang legal na asawa ni Hernandez, isang isyung lalo pang nagpapatingkad sa kanyang pagkakasangkot sa kontrobersyal na flood control scam. (LIMUEL TOLENTINO)
