Nanawagan ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na payagan si dating Pangulong Rodrigo Duterte na makabalik sa Pilipinas, iginiit na hindi ito usapin ng pulitika kundi ng buhay at dangal ng isang kapwa Pilipino.
Sa pahayag ni PDP acting chair Alfonso Cusi nitong Huwebes, Setyembre 11, hiniling niya sa administrasyon na hayaang makauwi ang dating pangulo na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague dahil sa mga kasong may kinalaman sa giyera kontra droga.
“The Partido Demokratiko Pilipino (PDP) makes this earnest appeal to the current government to let the former president come home. He deserves to return to the land of his birth, to the country he once served, and to the people who share his blood and heritage,” ani Cusi.
Binanggit din ni Cusi ang kalagayan ni Duterte na umabot na sa edad 80 at may mga ulat na hindi na umano ito fit to stand trial, dahilan para maantala ang pretrial hearing ng ICC.
“Hindi ito usapin ng pulitika, kundi usapin ng pagkatao. Ang nakataya ay buhay at dangal ng isang kapwa natin Pilipino,” dagdag ni Cusi.
Kasabay nito, nanawagan din ang PDP sa publiko na makiisa sa kanilang panawagan. “Sa harap ng lahat ng pagsubok, isang bagay ang hindi maaaring itanggi — iisa ang ating lahi, iisa ang ating dugo, at iisa ang ating Inang Bayan,” wika pa ng dating Energy Secretary.
Samantala, tumanggi munang magkomento si Executive Secretary Lucas Bersamin tungkol sa kahilingan ng kampo ni Duterte, na iginiit na hindi ito saklaw ng Palasyo.
