Sa isang sinumpaang salaysay na isinumite sa Senado, ibinulgar ng mag-asawang kontratista na sina Pacifico Discaya II at Cezarah Rowena Discaya ang malawakang suhulan at “kickback” scheme na kinasasangkutan umano ng ilang kongresista at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng mga flood control projects.
Ayon sa testimonya ng Discaya couple, umabot sa 10% hanggang 25% ang hinihinging porsyento mula sa halaga ng proyekto bilang kondisyon para hindi maipit ang implementasyon ng kontrata.
Mismong mga opisyal ng DPWH umano ang lumalapit sa kanila matapos manalo sa bidding upang manghingi ng bahagi ng pondo.
“Hindi ka makakakuha ng project kung wala kang commitment na magbigay ng parte. Kung hindi ka susunod, hindi ka mananalo sa bidding, o kaya maaantala ang release ng project,” giit ng mag-asawa.
Sa kanilang salaysay, pinangalanan ng mga Discaya ang ilang kongresista gaya nina Roman Romulo (Pasig Lone District), James “Jojo” Ang (Uswag Ilonggo Party-list), Patrick Michael Vargas (Quezon City 5th District), Juan Carlos “Arjo” Atayde (Quezon City 1st District), Nicanor Briones (Agap Party-list), Marcelino “Marcy” Teodoro (Marikina 1st District), Florida “Rida” Robes (dating kongresista ng San Jose del Monte, Bulacan, ngayo’y alkalde), Eleandro Jesus Madrona (Romblon Lone District), Benjamin “Benjie” Agarao Jr. (Laguna 4th District), Florencio Gabriel “Bem” Noel (dating An-Waray Party-list), Leody “Odie” Tarriela (Occidental Mindoro), Reynante Arrogancia (Quezon 3rd District), Marvin Rillo (Quezon City 4th District), Teodorico “Teodoro” Haresco Jr. (dating Aklan 2nd District), Antonieta Eudela (dating Zamboanga Sibugay 2nd District), Dean Asistio (Caloocan 3rd District), at Marivic Co-Pilar (Quezon City 6th District)
Ayon kay Discaya, ilang kongresista gaya nina Eudela, Rillo, Briones, Noel, Madrona at Agarao umano ang personal na kumolekta ng pera, habang ang iba ay nagpadala ng mga kinatawan o “bagman.”
Pinangalanan din ang ilang opisyal ng DPWH na umano’y kasabwat sa sistema, kabilang sina Eduarte Virgilio (Region V), Ramon Arriola III (Unified Project Management Office), Henry Alcantara (Bulacan 1st District Engineering Office), Robert Bernardo (Undersecretary), Aristotle Ramos (Metro Manila 1st DEO – Pasig City), Manny Bulusan (North Manila DEO), Edgardo C. Pingol (Bulacan Sub-DEO) at Michael Rosaria (DPWH Quezon 2nd DEO).
Binanggit din si Terence Calatrava, dating undersecretary ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas (OPAV).
Ibinulgar din nila na ang hindi pakikisama sa sistema ay nagreresulta sa pagkaka-disqualify sa bidding, kanselasyon ng proyekto, o pagharang gamit ang “Right of Way” issues.
Dahil dito, napilitan silang makisabay sa kalakaran upang hindi malubog sa utang at maprotektahan ang kanilang negosyo at mga empleyado.
“Kung minsan 2-3% lang ang kita namin kada proyekto dahil sa taas ng hinihingi. Pero mas mabuti na iyon kaysa mawalan ng lahat,” pahayag ni Curlee
Bukod sa simpleng porsyento, inilarawan pa ng Discaya couple na “organisado at sistematiko” ang lagayan. Minsan daw ay may opisyal pang nagsasabi kung saan eksaktong bank account ipapadala ang pera, o di kaya’y mismong cash collection na isinasagawa sa opisina ng district engineer.
Bagama’t aminado ang mag-asawa na nagbigay sila ng pera bilang survival tactic, iginiit nila na hindi sila sangkot sa mga “ghost projects” at handa silang tumestigo bilang state witness upang ilantad ang katiwalian.
Sa huli, nanawagan sila ng proteksyon mula kay Senate Blue Ribbon Committee Chair Sen. Rodante Marcoleta at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa banta umano sa kanilang kaligtasan matapos ilantad ang anomalyang kinasasangkutan ng ilang mambabatas at opisyal ng DPWH.
