Itinalaga ng Supreme Court En Banc si Sandiganbayan Associate Justice Ma. Theresa Dolores C. Gomez-Estoesta bilang bagong Court Administrator, na epektibo noong Setyembre 1, 2025.
Pinalitan niya si dating Court Administrator Raul B. Villanueva, na kasalukuyang Associate Justice ng Kataas-taasang Hukuman.
Si Justice Gomez-Estoesta ay may 34 na taong karanasan sa serbisyo publiko. Nagsimula siya bilang Solicitor sa Office of the Solicitor General (1991–2002) bago pumasok sa hudikatura bilang Presiding Judge ng Metropolitan Trial Court, Manila noong 2002.
Noong 2006, na-promote siya bilang Presiding Judge ng Manila Regional Trial Court Branch 7, isang posisyon na kanyang hinawakan hanggang 2014, bago italaga sa Sandiganbayan. Sa anti-graft court, nagsilbi siya bilang Chairperson ng Seventh Division.
Kinilala si Gomez-Estoesta bilang multi-awarded judge. Kabilang sa kanyang mga parangal ang Most Outstanding Judge for First-Level Courts at Best Decision in Criminal Cases (2005), at ang Chief Justice Cayetano Arellano Award bilang Most Outstanding Judge for Second-Level Courts (2012).
Aktibo rin siya sa legal education. Nagtuturo siya sa Ateneo de Manila School of Law mula 2015, at nagsilbi rin bilang Bar Examiner sa Remedial Law at Legal Ethics noong 2024 Bar Examinations.
Nakamit niya ang kanyang law degree sa Ateneo de Manila University at pumasa sa Bar noong 1991. Nagtapos din siya ng Political Science sa De La Salle University bilang cum laude at ginawaran ng Gold Medal for Excellence in Political Science.
Ang Office of the Court Administrator (OCA), na nilikha sa bisa ng Presidential Decree 828 at binago ng PD 842, ang nangangasiwa at tumutulong sa Korte Suprema sa pamamahala ng lahat ng korte sa bansa. Bilang bahagi ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022–2027 (SPJI), kasalukuyang isinusulong ng OCA ang modernisasyon at desentralisasyon ng mga tungkulin nito.
Pinamumunuan ng Court Administrator ang Central OCA Leadership Team na nagtatakda ng direksyon, polisiya, at mga inobasyon para sa trial courts, habang binibigyang kapangyarihan ang mga bagong tatag na Office of the Regional Court Manager (ORCM) sa bawat rehiyon. Anim na interim ORCMs ang inilunsad noong 2024 bilang bahagi ng repormang ito. (MINA PADERNA)
