Pinarangalan si Bureau of Corrections (BuCor) Director Gregorio Pio P. Catapang Jr. ng Modern Hero of Integrity and Service Award sa prestihiyosong Asia’s Golden Icon Awards na ginanap nitong Biyernes ng gabi sa Okada Manila Hotel, Pasay City.
Ginawaran si Catapang matapos ang masusing pagsusuri ng Executive Board na binubuo nina Dr. Sergio Ortiz-Luis, Jr.; Consul Enunina Mangio, presidente ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI); Director General Tereso Panga ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA); at OFW Party-list Rep. Marissa Del Mar. Nagkakaisa ang mga ito sa pagkilala sa kanyang mga nagawa sa pamumuno ng BuCor.
Ayon sa mga opisyal, sumasalamin ang parangal sa integridad, serbisyo, at modernong uri ng pamumuno na nagbibigay inspirasyon para sa mas mabuting pamamahala at makataong pagtrato sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Sa pagtanggap ng parangal, inialay ni Catapang ang pagkilala sa masisipag na kalalakihan at kababaihan ng BuCor. “Ito ay patunay na ang kanilang araw-araw na sakripisyo, bagama’t madalas hindi napapansin, ay may malaking papel sa pagbabagong buhay at paghubog ng mas ligtas at makatarungang lipunan,” wika niya.
Para sa mga PDLs, aniya, nagsisilbing tanglaw ng pag-asa ang parangal, dahil may mga lider na handang magtaguyod ng makatao at rehabilitatibong kapaligiran sa loob ng mga kulungan.
“Ang award na ito ay higit pa sa karaniwang pamumuno at pamamahala — ito’y ilaw ng pag-asa para sa libo-libong PDLs na naghahangad ng pagbabago at panibagong pagkakataon,” dagdag pa ni Catapang.
Sa kanyang pamumuno, iginiit ni Catapang ang kahalagahan ng rehabilitasyon at pagbibigay ng pangalawang pagkakataon, na aniya’y susi upang mapanday ang mas makataong sistemang pangkoreksyon sa bansa. (MINA PADERNA)
