Nanawagan ang iba’t ibang grupo mula sa iba’t ibang sektor sa administrasyong Marcos na agarang kumilos laban sa umano’y “labis na korapsyon” sa mga proyekto ng flood control, matapos mabunyag ang mga kuwestiyonableng kontrata na umano’y napunta lamang sa piling paboritong kontratista na may ugnayan sa mga opisyal ng gobyerno.
Nitong Sabado, Setyembre 6, sumama sa panawagan ang Network of Social Workers at Development Advocates-Philippines, na iginiit ang pananagutan ng mga tiwaling opisyal at kasabwat na pribadong kompanya.
“Hindi tayo maaaring manahimik habang ninanakawan ng korapsyon ang kinabukasan ng mga Pilipino. Bawat pisong nauuwi sa kasakiman ay pagkaing nawala sa nagugutom, silid-aralan na ipinagkait sa mga bata, at serbisyong pangkalusugan na hindi naibigay sa nangangailangan,” pahayag ng mga grupo.
Giit nila, ang korapsyon ay hindi lamang pagnanakaw kundi “isang uri ng kawalang-katarungang panlipunan, karahasan laban sa mahihirap, at pagsira sa kaluluwa ng bansa.” Ipinanawagan din nila ang tatlong pangunahing prinsipyo: fiscal justice, social justice, at good governance.
Noong Biyernes, Setyembre 5, naglabas ng magkasanib na pahayag ang 30 business at civic organizations na nagsaad ng kanilang “matinding pagkadismaya at galit” sa umano’y “kahihiyang dulot ng patuloy at labis na katiwalian” sa gobyerno.
Naglabas din ng hiwalay na pahayag ang Makati Business Club, kasama ang 263 pang grupo at indibidwal, na mariing kumondena sa iskandalo. Anila, ang maling paggamit ng pondo sa flood control ay naglalagay sa panganib ng buhay ng mga Pilipino sa gitna ng mas matitinding bagyo dulot ng climate change.
“Sobra na. Kailangan nang putulin ang sistemang ito ng korapsyon na pumapatay sa ating mga kababayan at sumisira sa tiwala ng taumbayan sa pamahalaan,” pahayag ng mga grupo.
Karamihan sa galit ng publiko ay nailalabas pa lamang sa social media, ngunit may mga nagdaos na rin ng protesta nitong nakaraang linggo. Nag-rally ang mga estudyante sa harap ng DPWH Central Office sa Maynila, habang nagsagawa rin ng kilos-protesta ang BAYAN-Central Visayas sa DPWH Cebu District Engineering Office.
Noong Huwebes, Setyembre 4, nagtipon din ang mga nagpoprotesta sa Pasig City sa tapat ng compound ng St. Gerrard Construction, pagmamay-ari ng kontrobersyal na mga kontratistang sina Sarah at Curlee Discaya. Pinintahan nila ang gate ng mga salitang “magnanakaw” at “kurakot.”
Matatandaang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang korapsyon sa flood control projects sa kanyang State of the Nation Address at iniutos ang performance audit. Isiniwalat niya kamakailan na 15 kontratista lamang ang halos sumakop sa karamihan ng kontrata sa buong bansa.
Bunga ng iskandalo, nagbitiw sa puwesto si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan. Ang kapalit niya, si Secretary Vince Dizon, ay agad na nagsuspinde ng lahat ng bidding para sa mga locally funded flood control projects, nag-utos ng courtesy resignations sa mga opisyal ng kagawaran, at nangakong ibi-blacklist ang mga kontratistang sangkot sa anomalya.
Gayunman, giit ng mga grupong sibiko at negosyo, kinakailangan pa rin ang pagbuo ng isang independent multisectoral review committee, mas mataas na antas ng transparency sa proseso ng pagbadyet, at pagpawi sa mga opaque congressional insertions, lalo na sa bicameral conference committee.
