Nagsimula na ang malawakang paglilinis sa Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos sibakin sa serbisyo ang Bulacan 1st District Engineer na si Henry Alcantara, ang unang nalagas sa gitna ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Sa isang ambush interview, mismong si Public Works Secretary Vince Dizon ang nagkumpirma sa agarang pagpapatalsik kay Alcantara.
“He is now dismissed. I will call for summary dismissal of Henry Alcantara,” ani Dizon habang nagsasagawa ng inspeksyon sa isa pang flood control project sa Bulacan.
Bagama’t wala pang isinampang kaso laban sa sinibak na opisyal, tiniyak ni Dizon na ipapasa nila ang rekomendasyon sa DPWH Legal Service upang ihain ang kaukulang reklamo sa Ombudsman.
“Well, obviously, criminal ito. Pagnanakaw ito eh, P100 million… We will recommend filing of charges with the Ombudsman,” dagdag pa ni Dizon.
Tubong Bocaue, Bulacan si Alcantara na nagsimula sa DPWH noong 1994 bilang job order worker. Unti-unti siyang umangat mula sa pagiging laborer hanggang sa maging engineer.
Noong 2019, itinalaga siya ni dating DPWH Secretary Mark Villar bilang district engineer ng Bulacan’s 1st Engineering District.
Hawak ni Alcantara ang pamamahala sa 13 bayan at lungsod, kabilang ang mga madalas bahain tulad ng Hagonoy, Baliwag, Calumpit, at Malolos.
Batay sa Sumbong Sa Pangulo website, ang kanyang engineering district ang may pinakamalaking proyekto sa buong DPWH, na may 450 flood control projects na nagkakahalaga ng halos ₱28.9 bilyon mula 2022 hanggang 2025.
Ngunit lumutang sa imbestigasyon na ang ilang proyekto sa ilalim ng kanyang pamumuno, kabilang ang reinforced concrete river wall project sa Barangay Piel, Baliwag na isinagawa ng Syms Construction Trading, ay hindi pala umiiral. (BOYET BARBA JR)
