Ipinahayag ni Senator Erwin Tulfo ang kanyang buong suporta sa malawakang reporma sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) kasunod ng kontrobersya sa mga flood control projects sa bansa.
Sa Lunes, inanunsyo ni DPWH Secretary Vince Dizon ang agarang “sweeping revamp” sa PCAB. Ayon kay Tulfo, “Lahat dapat tanggalin, kasama ang board of directors. Hindi puwede maging kontraktor at kasabay nito, miyembro ng accreditation board. Anong klaseng kalokohan ‘yan?”
Ayon sa ulat, dalawang miyembro ng PCAB ang nakakuha ng kontrata mula sa gobyerno habang nasa board.
Ito ay ang EGB Construction Corp., na pag-aari ni Engr. Erni Baggao at AN Escalante Construction Inc. na pag-aari naman ni Arthur Escalante.
Ang EGB Construction ay kabilang sa 15 kontraktor na itinampok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto bilang kumita ng pinakamaraming flood control projects mula 2022 hanggang 2025.
“Paano mo mahuhuli ang magnanakaw kung ikaw mismo ay magnanakaw?” giit ni Tulfo.
Dagdag niya, ang kaso sa mga sangkot sa flood control mess ay ilalagay sa kamay ng independent commission na itatatag ni Marcos.
“Dapat walang kontraktor sa PCAB para hindi na maulit ang ganyang kalokohan, deja vu ito sa Janet Napoles pero dati isa lang, ngayon marami na.”
Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng batas para mapigilan ang ganitong katiwalian, at nagmungkahi ng parusang kamatayan bilang hudyat sa mga kontraktor.
“Kung kailangan namin irekomenda ang death penalty, gawin natin para matuto sila. Hindi sapat na kulungan lang ang ipataw.”
