Umani ng papuri si Congressman Leandro Leviste matapos maaresto ang isang district engineer sa Batangas dahil sa umano’y tangkang panunuhol.
Ayon sa ulat, layunin ng tangkang suhol na pigilan si Leviste sa pagsusuri sa kontrobersyal na flood control projects sa First Congressional District na kanyang kinakatawan.
Kinumpirma ng Philippine National Police Calabarzon ang insidente, at agad siyang pinuri ng mga prominenteng personalidad at netizens. Para sa marami, ito ay simbolo na hindi matatalo ang katiwalian sa bansa.
Si Leandro Antonio Leviste ay nagmula sa kilalang politikal at mayamang pamilya, anak ng dating Gobernador ng Batangas na si Antonio Leviste at Senadora Loren Legarda.
Nagtapos siya ng political science sa Yale University sa USA, at sa edad na 32 ay may malalaking interes na sa energy, agrikultura, real estate, media at broadcasting.
Itinatag niya ang Solar Philippines noong 2013 at nakapag-lista sa Philippine Stock Exchange ang subsidiary nitong SP New Energy Corporation (SPNEC) noong 2021, na ginawang siya ang pinakamabatang chairman sa kasaysayan ng stock exchange.
Sa pagitan ng 2023 at 2025, nagbenta si Leviste ng 14.6 bilyong shares ng SPNEC sa Meralco para sa P18.26 bilyon at 1.84 bilyong shares sa publiko para sa P2.23 bilyon, kabuuang P20.49 bilyon.
Pagkatapos manalo bilang kongresista, ibinenta niya ang natitirang shares sa SPNEC sa halagang P34 bilyon, alinsunod sa Republic Act 6713 na nagtatakda ng divestment bago ang pagtanggap sa pampublikong tungkulin.
Bukod dito, may 10% shares siya sa ABS-CBN Corporation, at ang kanyang Countryside Investments Holdings Corporation ay nag-invest ng P5 bilyon sa Roxas Holdings, Inc., parent company ng Central Azucarera Don Pedro, Inc.
Bagamat kinilala ang kanyang aksyon sa pagprotekta sa publiko, may agam-agam sa tunay na motibo ng entrapment operation.
Hindi tulad ni Pasig Mayor Vico Sotto, na kilala sa tahimik at sistematikong reporma sa lokal na pamahalaan, ginamit ni Leviste ang pagkakataon matapos masangkot sa scheme ang ilang kongresista sa tinaguriang “kickbacks.”
