Umatake na naman ang tinaguriang “bakal boys” na umaakyat ng mga truck na lumalabas sa Cathay Pacific Steel Corporation (CAPASCO) para magnakaw, ngunit agad silang naaresto matapos ang mabilis na operasyon ng Cainta LGU at kapulisan nitong umaga.
Ayon kay Mayor Kit Nieto, personal siyang nakatanggap ng video kahapon ng umaga na nagpapakita ng grupo habang tinitira ang mga truck.
Una raw nilang tinangka ang kanilang gawain sa Imelda Avenue ngunit hindi sila nakalusot, kaya lumipat sila sa Ortigas Avenue kung saan nagdulot sila ng matinding puwerwisyo.
“Grabeng perwisyo ang ginagawa nila. Pinatrabaho ko ‘to kahapon… nag-operate ang team natin ngayong umaga. Nahuli na sila,” pahayag ng alkalde.
Dagdag pa ni Nieto, ipinag-utos na niyang alamin ang tirahan at pagkakakilanlan ng mga suspek. Mariin din niyang binalaan ang kanilang mga pamilya na kung kabilang sila sa mga benepisyaryo ng pabahay ng lokal na pamahalaan, awtomatiko itong babawiin at ipapalayas sila sa Cainta.
“Kung isa ang pamilya nila sa mga benepisyaryo nating pabahay, aalis ang buong pamilya nila sa Cainta at babawiin ko ang binigay ng gobyerno sa kanila. Kasama ‘yan sa kasunduan namin,” diin ni Nieto.
Bukod dito, pina-profile na rin ang buong pamilya ng mga nahuli at sinabi ng alkalde na hindi sila makakatanggap ng kahit anong ayuda mula sa munisipyo. (ARNOLD PAJARON JR)
