Suspendido ng 90 araw si Soccsksargen police director PBGen. Romeo Macapaz matapos ireklamo ng isang testigo dahil umano sa panghaharang niya sa imbestigasyon kaugnay ng pagkawala ng dose-dosenang sabungero, ayon sa National Police Commission (Napolcom) nitong Huwebes.
Ayon kay Napolcom Vice Chair at Executive Officer Rafael Vicente Calinisan, nakabatay ang preventive suspension sa reklamo ni Ellakim Patidongan, na nagsabing kinuha umano ni Macapaz ang kanilang cellphone ng kapatid niyang si Jose at binura ang ilang mensahe, pati na tinago ang mga SD card.
Sa tatlong pahinang resolusyon ng Napolcom, nakasaad na may ebidensiya na tinangkang gipitin, takutin, pilitin, o impluwensyahan ni Macapaz ang magkapatid para bawiin ang kanilang pahayag, o kaya’y sirain ang ebidensiya.
“The charge is serious or grave and the evidence of guilt is strong,” ani Calinisan, na binigyang-diin na ang suspensyon ay upang maiwasan ang posibleng miscarriage of justice.
Kaugnay nito, bumalik na si Macapaz sa Camp Crame upang harapin ang imbestigasyon at magsumite ng tugon. Sa isang text message, iginiit ng heneral na hindi siya humawak ng anumang ebidensiya at tanging pag-uwi lamang sa bansa ng mga Patidongan brothers ang kanyang ginampanan.
Si Ellakim ay nasangkot matapos umano’y gumamit ng ATM card ng nawawalang biktimang si Melbert John Santos noong Enero 2022, habang si Jose ay nakita sa isang video na nag-escort sa nakaposas na si Michael Bautista noong Abril 2021.
Dagdag ni Calinisan, iniimbestigahan din ang apat pang aktibong pulis, kabilang ang isang heneral, na ikinokonekta ng isa pang testigo sa kaso.
“Walang exempted. Mapa-mababang ranggo o mataas, basta may kinalaman sa pagkawala ng sabungeros, iniimbestigahan,” diin ni Calinisan.
Matatandaang sinabi ng whistleblower na si Julie Patidongan na pinaslang ng mga tiwaling pulis ang mga sabungero dahil sa dayaan sa e-sabong sa kasagsagan ng pandemya. Nasa Taal Lake pa rin isinasagawa ang mahigit isang buwang search operation para sa mga bangkay ng mga biktima.
Samantala, kinumpirma ng Department of Justice na sisimulan na ng mga piskal ang preliminary investigation at maglalabas ng mga subpoena kaugnay ng kaso.
