Larawan mula sa PNP Anti-Cybercrime Group
Naaresto ang isang babae sa Pasig matapos mahuli sa entrapment operation ng PNP Anti-Cybercrime Group dahil sa ilegal at overpriced na bentahan ng Beep cards online, ayon sa inilabas na ulat ng mga awtoridad nitong Agosto 26.
Nahuli ang 32-anyos na suspek na si alyas “Kate” noong Agosto 15, bandang alas-1:35 ng hapon sa Ortigas Center, Pasig City, kasama ang Cyber Response Unit, Cyber Patrolling and Intelligence Unit, at Eastern District Anti-Cybercrime Team.
Nakuha mula sa suspek ang 50 piraso ng Beep cards na ilegal na ipinamamahagi sa online platforms. Ayon sa PNP, ang ganitong gawain ay eksploytasyon sa mga commuters na araw-araw umaasa sa Beep cards sa kanilang pamasahe.
Haharapin ni “Kate” ang kasong paglabag sa RA 8484 (Access Devices Regulation Act of 1998, na inamyendahan ng RA 11449) at Article 50 ng RA 7394 (Consumer Act of the Philippines), kapwa may kaugnayan sa Section 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Pinuri ni Brigadier General Bernard R. Yang, Acting Director ng PNP Anti-Cybercrime Group, ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon.
“The illegal sale of Beep cards not only violates consumer protection laws but also exploits commuters who rely on them daily. The PNP ACG will continue to crack down on individuals who engage in such unlawful online activities to protect the public from abuse and deception,” dagdag pa niya.
Pinapaalala ng pulisya sa publiko na maging mapanuri sa pagbili ng Beep cards online upang maiwasan ang panlilinlang at pagsasamantala.
