Nanawagan ang grupong Kapatid sa bagong talagang hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Police General Melencio Nartatez Jr. na wakasan ang tinaguriang “quota arrests” at tigilan ang pagbuo ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista.
Ayon kay Kapatid spokesperson Fides Lim, ang biglaang pagbaba sa puwesto ni dating PNP chief Gen. Nicolas Torre ay tila bahagi lamang ng “musical chairs” sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Hindi malinaw kung ano ang buong dahilan ng pagsibak kay Torre, maliban sa diumano’y hindi niya pagsunod sa isang resolusyon ng NAPOLCOM na nagbabaliktad sa kanyang mga appointment,” pahayag ni Lim.
Aniya, ang pagtatalaga kay Nartatez, isang Philippine Military Academy graduate, ay indikasyon ng pagbabalik mula sa nakaraang paghirang ng mga PNP graduates bilang hepe.
Giit ng Kapatid, dapat kagyat na bawiin ng bagong PNP chief ang patakaran ni Torre na quota arrests, na lalo lamang nagdudulot ng impunity at siksikan sa mga kulungan nang hindi tunay na nasosolusyunan ang krimen.
Kasabay nito, nanawagan din ang grupo na tuldukan ang umano’y paulit-ulit na taktika ng pagtatanim ng baril at paggawa ng pekeng kaso laban sa mga kritiko ng gobyerno.
“Huwag na sanang umiral ang lumang script ng panunupil. Panahon na para patunayan ng PNP na kaya nitong igalang ang karapatang pantao na matagal na nitong iginigiit na sinusunod,” dagdag ni Lim.
Samantala, nananatiling tahimik si Torre sa isyu ng kanyang biglaang pagtanggal, habang nagsisimula na sa pwesto si Nartatez bilang ika-32 PNP chief.
