Umani ng matinding batikos online si Samar Governor Sharee Ann Tan matapos kumalat ang isang video kung saan makikitang sumasayaw siya habang binubuhusan ng pera, habang maraming lugar sa bansa ang dumaranas ng gutom at mga kalamidad.
Tinawag pa ng isang news site ang insidente na “Flood Control Gala,” na agad nagpasiklab ng komento mula sa netizens, kabilang na ang mga bumatikos sa political dynasty ng pamilya Tan na higit dalawang dekada nang namumuno sa probinsya.
Ngunit nilinaw ng opisina ng gobernador na ang video ay kuha sa Hermano Night ng Catbalogan City Fiesta noong Agosto 22, hindi sa isang private gala.
Ayon pa kay Tan, ang kanyang pagsayaw ay bahagi ng tradisyunal na Kuratsa Samareña, isang sayaw sa Visayas kung saan binubuhusan ng pera ang mga nagsasayaw bilang pondo para sa simbahan.
Ipinaliwanag ni Ruben Panaligan, hermano mayor at pangunahing sponsor ng fiesta, na siya ang nag-organisa at gumastos para sa event.
Aniya, ang perang ginamit ay mula sa kontribusyon ng mga bisita at hindi galing sa pondo ng gobyerno.
“Unang-una, walang kinalaman si Governor Sharee Ann diyan. Ako ang nag-organize, ako ang gumastos,” giit ni Panaligan sa isang panayam.
Lumabas na mahigit ₱539,000 ang nalikom mula sa aktibidad at itinurn-over sa apat na simbahan sa Catbalogan.
Para sa mga Waraynon, tradisyon at bahagi ng identidad ang Kuratsa, ayon sa ilang residente na nagtanggol sa gobernador.
Sa Facebook post ng ilang lokal na netizen, binigyang-diin ng mga ito na maaaring kakaiba ang itsura ng ritwal sa iba, pero para sa kanila ay may malalim itong kahulugan at kasaysayan.
Gayunpaman, para sa mga kritiko, nananatiling “bad timing” ang eksena, lalo na’t ilang lugar sa bansa ang nakararanas ng gutom, habang ang iba ay binaha at nasalanta ng bagyo sa parehong panahon.
