Photo from Edwin Gardiola/FB
Umani ng matinding batikos si Construction Workers Solidarity (CWS) party-list Rep. Edwin Gardiola matapos mabunyag na siya at ang kanyang asawa ay may-ari ng isang napakagarang mansion sa Newport Coast, California na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P416 milyon.
Ayon sa records mula sa Orange County Assessor Department sa US, pagmamay-ari ng mag-asawang Gardiola ang 18,392-square-foot property (1,708 sqm) simula pa noong 2011.
Mayroon itong limang silid-tulugan, apat na full bathrooms, at siyam na half bathrooms. Ang mismong bahay ay tinatayang nasa $3.8 milyon (P215M) ang halaga, samantalang ang lupa ay nasa $3.5 milyon (P198M).
Sa nagsulputang mga ulat, lumalabas na nakapangalan pa rin sa “Tiroso Edwin Gardiola” (na itinuturing na typo ng kanyang pangalan) ang property at hindi ito naibenta mula nang bilhin noong 2011. Ang Newport Coast, kung saan matatagpuan ang mansion, ay isa sa pinakamahal na lugar sa Amerika.
Ang rebelasyong ito ay lumabas matapos ang naunang ulat na nakakuha ng P16 bilyong kontrata sa public works projects ang mga construction firm ng pamilya Gardiola mula nang siya’y maging kongresista.
Matagal nang binabatikos ng election watchdog na Kontra Daya ang CWS party-list. Ayon kay convenor Danilo Arao, malinaw ang pang-aabuso sa party-list system: “Ginagamit ito ng mga negosyante at may koneksyon sa militar at pulis para sa sariling interes. Ang kaso ni Gardiola ay patunay na kailangan nang baguhin ang sistema.”
Samantala, ikinukumpara ng mga kritiko ang marangyang pamumuhay ni Gardiola sa mga construction worker na kanyang kinakatawan, na kumikita lamang ng P695 kada araw sa Metro Manila. Kahit magtrabaho sila araw-araw sa buong buhay nila, hindi pa rin nila maaabot ang halaga ng mansion ng kanilang kinatawan.
Pinapaalalahanan si Gardiola ng probisyon sa Konstitusyon: “Public office is a public trust… public officials must lead modest lives.” Hanggang ngayon, hindi pa nagbibigay ng pahayag si Gardiola hinggil sa isyu. (KOJIN BOGART JR)
