ARESTADO ang isang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lalawigan ng Batangas ang naaresto sa bayan ng Taal, Batangas matapos mahuli sa entrapment operation dahil umano sa tangkang panunuhol sa isang bagong halal at isa sa pinakamayamang kongresista na si Batangas First District Representative Leandro Legarda-Leviste, upang itigil umano nito ang imbestigasyon sa mga kuwestiyonableng proyekto ng ahensya.
Batay sa pahayag ng Babler Bilyonaryo News, inalok umano ng opisyal ang kongresista ng lima hanggang sampung porsiyentong komisyon mula sa mahigit ₱3.6 bilyong flood-control at infrastructure projects na nakapaloob sa 2025 budget. Katumbas ito ng ₱180 milyon hanggang ₱360 milyon na umano’y “kickbacks” sa mga proyekto.
Bukod dito, nagmungkahi rin ang district engineer ng mas mataas na 15% hanggang 20% na bahagi mula sa mga proyektong ilalaan para sa 2026 budget, at sinabing may mga contractor na handang magbigay ng bahagi ng pondo.
Sa mismong pagpupulong, naglabas din umano ang opisyal ng ₱3.6 milyong cash bilang paunang alok at nangakong magdadagdag pa ng ₱15 milyon sa mga susunod na araw. Ngunit agad nagsagawa ng entrapment ang Philippine National Police, kung saan nahuli ang engineer at nakumpiska ang bag na naglalaman ng pera at listahan ng mga proyekto.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at inihahanda na ang mga kaso para sa piskalya.
Kung mapatutunayan, ito ang unang pag-aresto sa hanay ng DPWH mula nang magbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa umano’y korapsyon at ghost projects sa mga imprastruktura. (KOI LAURA)
