HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga Pilipino na gawing inspirasyon ang mga bayani ng bansa sa pamamagitan ng pagpapakita ng malasakit at serbisyo sa kapwa, kasabay ng pagdiriwang ng National Heroes Day ngayong Lunes.
“Ako’y nakikiisa sa buong sambayanan sa paggunita ng Araw ng mga Bayani. Ipinapaabot natin ang pinakamataas na pagpupugay sa mga Pilipinong buong pusong inialay ang kanilang buhay para sa bayan,” ani Marcos sa kanyang mensahe.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang kasaysayan ng bansa ay hinubog ng sakripisyo ng mga bayani, at ang kanilang pamana ang naglatag ng direksyon ng sambayanang Pilipino.
“Ang kanilang sakripisyo ang nagpapatunay ng pinakamataas na pagtawag ng kaluluwa at ng moral na hugis ng ating bansa,” dagdag pa niya.
Hindi lamang daw sa larangan ng digmaan matatagpuan ang mga bayani, kundi maging sa pang-araw-araw na buhay—mula sa mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, guro, sundalo, pulis, siyentipiko, at mga karaniwang mamamayan na tumutupad ng kanilang tungkulin.
“Patuloy na nagbibigay ang Inang Bayan ng mga indibidwal na nagiging huwaran ng kabayanihan,” wika ni Marcos.
Hinikayat din niya ang bawat Pilipino na ipakita ang makabayaning diwa hindi lang sa malalaking bagay kundi sa simpleng gawa ng malasakit.
“Sa ating paglalakbay bilang isang bansa, ating tularan ang mga bayani sa pamamagitan ng tunay na serbisyo at malasakit sa ating kapwa. Sa ganitong paraan, maaari tayong maging mga bayani ng ating henerasyon at makatulong sa pagbuo ng Bagong Pilipinas,” pahayag ng Pangulo.
Tuwing huling Lunes ng Agosto ginugunita ang National Heroes Day bilang pagkilala sa lahat ng mga bayani—mula sa mga rebolusyonaryo laban sa kolonyalismo hanggang sa mga modernong frontliners na patuloy na naglilingkod sa bayan.
