Muling binanatan ni dating ACT Teachers party-list Rep. France Castro si Vice President Sara Duterte matapos ang pahayag nito sa isang panayam sa The Hague na “nag-deliver” umano siya ng resulta noong siya ay kalihim ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Castro, imbes na resulta, “kontrobersiya, anomalya, at lumalalang krisis” ang iniwan ni Duterte sa sektor ng edukasyon.
“Where are the results you’re talking about? All we saw were controversies, anomalies, and a worsening crisis in our education sector under your watch,” ani Castro sa isang pahayag nitong Huwebes.
Mga isyung ibinulgar ni Castro
- P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd na ginamit umano para sa surveillance at safehouses na walang kinalaman sa edukasyon.
- Hindi malinaw na resibo at dokumento na iniharap ni Duterte noong House hearings, kasama ang mga umano’y “drama at pagbabanta” laban pa kay Pangulong Marcos sa isang livestream.
- P10 milyon na hinihinging pondo para sa publikasyon ng kanyang librong pambata na “Isang Kaibigan” sa gitna ng budget deliberations ng Senado.
- P12.3 bilyong unresolved transactions na iniulat ng Commission on Audit (COA) sa DepEd.
- Mabagal na paggastos para sa produksiyon ng mga aklat-aralin ayon sa Congressional Policy and Budget Research Department.
- Paulit-ulit na kakulangan sa silid-aralan sa buong bansa.
Para kay Castro, ang lahat ng ito ay malinaw na palatandaan ng “malaking katiwalian at maling pamamahala” sa ilalim ng liderato ni Duterte sa DepEd.
“These are not the marks of a department delivering results. These are marks of historic corruption and incompetence,” giit ng dating kongresista.
