Nauwi sa tensyon ang isang simpleng salu-salo matapos makipagsagutan si dating presidential spokesperson Harry Roque sa ilang Duterte supporters sa The Hague, Netherlands — dahil umano sa isang ulam na humba.
Sa Facebook live ni Cecil Arceño, makikitang biglang sumigaw ang isang babae na may nag-post umano ng insulto laban sa kanilang grupo. Agad na sumagot si Roque at nanawagang manindigan.
“This is my appeal. Some things are right, some things are wrong. You need to take a stand against wrong,” pahayag ni Roque.
Lalo pang uminit ang tensyon nang malaman ng dating tagapagsalita na siya raw ay pinagtatawanan online dahil lamang sa pagkain ng humba.
Nagprisinta pa siyang bayaran ang buong putahe, pero ipinaalala sa kanya na ito’y libre at inisponsoran ng kaibigan ng celebrant.
Hindi nagpatinag si Roque at iginiit na huwag basta sumunod sa taong tinukoy bilang “Aldo.”
Ayon sa kanya, kailangan daw manindigan kung mali ang ginagawa.
Umabot pa sa punto na nagharap sila ng mismong celebrant matapos maramdaman ni Roque na siya’y “disrespected and attacked.”
Ang pagtatalong ito ay agad naging usap-usapan online, lalo’t isang simpleng handaan lang sana ang nauwi sa mainit na bangayan dahil sa isang humba.
