Dahil sa nangyaring pamamaril na ikinasawi ng dalawang Japanese national sa Malate, Maynila agad na bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) Malvar ang Manila Police District (MPD) upang tutukan ang kaso at tiyaking makakamit ng mga biktima ang hustisya.
Sa direktiba ni PBGEN Arnold E. Abad, Acting District Director ng MPD, ang SITG Malvar ay magsagawa ng masusing imbestigasyon laban sa mga salarin.
Ang insidente ay naganap noong Agosto 15, 2025, bandang alas-10:45 ng gabi sa Malvar St., kanto ng Mabini St., sa tapat ng Sheraton Hotel, Malate.
Kinabukasan naman, natagpuan ng mga pulis ang iniwang getaway vehicle ng mga suspek sa kanto ng Malvar St. at Taft Avenue.
Sa inisyal na resulta ng imbestigasyon, positibong nakilala ang taxi na sinakyan ng mga biktima bago sila pinagbabaril.
Napatunayan din ang pagkakakilanlan ng mga biktima na parehong Japanese national at pansamantalang nanunuluyan sa Midas Hotel and Casino sa Pasay City.
Tiniyak ng NCRPO at MPD na tuloy-tuloy ang pagtutok sa kaso hanggang sa mahuli ang lahat ng sangkot.
Pinuri naman ni PBGEN Abad ang mabilis na aksyon ng kanyang mga tauhan.
“Ang walang humpay na pagsisikap sa kasong ito ay patunay ng ating paninindigan para sa kapayapaan at kaayusan sa Maynila. Hindi makakatulog ng mahimbing ang sinumang umaatake sa mga inosente sa ating lungsod,” ani Abad.
