Nanawagan ang grupong Mayors for Good Governance ng buong transparency, accountability, at hustisya sa imbestigasyon hinggil sa umano’y malawakang korapsyon sa flood control at iba pang infrastructure projects ng pamahalaan.
Pinangunahan nina Baguio City Mayor Benjie Magalong, Pasig City Mayor Vico Sotto, Quezon City Mayor Joy Belmonte, at Isabela City Mayor Sitti Hataman ang panawagan na agad ilabas ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga kaukulang ahensya ang lahat ng dokumento kaugnay ng mga proyekto. Kabilang dito ang programs of work, feasibility studies, at lalo na ang mga pangalan ng contractors at politiko na nasa likod ng multi-bilyong pisong flood control projects.
“Transparency is no longer optional, but a duty we owe to every Filipino,” giit ng grupo.
Nagpahayag din ng suporta ang mga alkalde sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address noong Hulyo 28 na imbestigahan ang mahigit ₱350 bilyon na flood control projects. Giit nila, naging “alarming, pervasive, at systematic” na ang korapsyon sa mga proyektong ito sa paglipas ng mga taon.
Binigyang-diin ng koalisyon na ang mga mapatutunayang sangkot ay hindi lamang dapat tanggalin sa puwesto kundi kasuhan at ipakulong. “Corruption must end now. The Filipino people deserve a government that protects and serves them, not one that endangers their lives and robs them of their future,” ayon pa sa kanilang pahayag.
