MAY lumabas na impormasyon mula sa loob mismo ng Pag-Ibig Fund na magpapatindig-balahibo sa sinumang miyembro na buwan-buwan ay nagbabayad ng kontribusyon.
Batay sa mga kopya ng internal memo at dokumentong hawak ng isang mapagkakatiwalaang source, noong Disyembre 19, 2024, inilabas ang P6 bilyong piso mula sa pondo ng Pag-Ibig Fund bilang investment sa isang pribadong construction company na, ayon sa financial records, ay matagal nang nakararanas ng pagkalugi.
Ang pinakamalaking tanong: Walang Board Approval.
Ayon sa protocol ng institusyon, anumang investment na lampas P500 milyon ay dapat dumaan sa Board of Directors para sa pagsusuri at pormal na pag-apruba. Ngunit sa kasong ito, base sa lumabas na dokumento, lumagda lamang ang isang mataas na opisyal mula sa pamunuan, habang may isa pang dating miyembro ng komisyon na kamakailan lamang nagretiro. Hindi malinaw kung sila ay direktang sangkot sa anumang iregularidad, ngunit malinaw na sa ilalim ng kanilang panunungkulan ay nailabas ang P6 bilyon nang walang karaniwang proseso.
Kung pagbabasehan ang precedent, nang GSIS at OWWA ay nag-invest ng tig-₱1.4 bilyon na walang Board Approval, agad silang naimbestigahan ng Ombudsman at tinanggal sa puwesto. Bakit sa Pag-Ibig Fund, na halos apat na beses ang halaga ng iligal na transaksiyon, ay tila walang kumikilos?
May mga pahiwatig na mas malalim ang koneksiyon. Sa isang confidential email thread na nakita ng source, lumilitaw na may internal pressure mula sa isang tinukoy na “external partner” na itulak ang investment bago matapos ang 2024. Hindi malinaw kung sino ang “partner” na ito, ngunit malinaw sa mensahe na “time is of the essence” at “approval should be expedited without full Board deliberation.”
Isa pang nakakabahala: Wala pa ring malinaw na paliwanag kung paano ginamit ang P6 bilyon matapos itong ilabas. May mga pahiwatig na bahagi nito ay ginamit bilang “debt cover” para sa utang ng naturang pribadong kumpanya, habang hindi rin malinaw kung may interes o garantiya na isinangla kapalit ng investment.
Kung tunay na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpakita ng political will laban sa katiwalian, hindi lang DPWH flood control projects ang dapat silipin. Nararapat ding busisiin ang kasong ito hindi lamang para malaman kung sino ang kumita, kundi para tiyakin na hindi na mauulit ang ganitong tahimik at misteryosong pag-alis ng pera mula sa pondo ng mga manggagawang Pilipino.
Sa panahong gipit ang maraming Pilipino at mababa ang tiwala sa mga institusyon, ang ganitong klase ng transaksiyon ay parang lason na unti-unting pumapatay sa kredibilidad ng gobyerno. Ang pananahimik ay hindi kawalan ng kasalanan ito ay tahimik na pag-amin na may tinatago.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay batay sa mga impormasyong nakalap mula sa mga dokumentong ibinahagi ng mapagkakatiwalaang source at mga ulat na lumabas sa publiko.
Lahat ng detalye ay dapat pang patunayan sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon at tamang proseso ng batas. Ang mga posisyon o indibidwal na nabanggit ay hindi awtomatikong pinatutunayang sangkot sa anumang iregularidad.
