Kalaboso ang bagsak ng dating Quezon City Councilor na si Dante de Guzman matapos hatulang guilty ng Sandiganbayan sa 16 counts ng graft at 16 counts ng malversation of public funds kaugnay ng maanomalyang “ghost employees” scheme noong 2009.
Sa 67-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Maryann Corpus-Mañalac ng Fifth Division, pinatawan si De Guzman ng 6 hanggang 8 taon kada kaso ng graft (kabuuang maximum na 128 taon) at 6 hanggang 10 taon kada kaso ng malversation (kabuuang maximum na 160 taon). Bukod sa kulong, habambuhay na rin siyang disqualified sa anumang posisyon sa gobyerno.
Ayon sa kaso, noong Hunyo 2009 hanggang Hunyo 2010, gumastos ang opisina ni De Guzman ng ₱361,500 para umano sa sahod, incentive, at Christmas bonus ng ilang “empleyado” na nakalista sa payroll — ngunit ilan sa kanila ay hindi totoong nagtatrabaho at ilan naman ay kulang ang natatanggap kumpara sa nakasaad na ₱5,000 buwanang sahod.
Lumabas sa imbestigasyon na ang payroll funds ay kinokolekta muna nang cash ng tauhan ni De Guzman at may mga kontrata at dokumentong pirmado mismo ng dating konsehal para gawing lehitimo ang pekeng empleyo. Sa katunayan, mismong anim na saksi ng prosekusyon ang umamin na hindi sila kailanman nagtrabaho bilang area coordinators o office aides — pawang papel lang ang katungkulan nila.
Giit ng korte, malinaw na sistematikong at planadong modus ang ginawa, at walang ibang konklusyon kundi sinadya ni De Guzman na payagan at makinabang sa paglustay ng pondo ng bayan.
Bagama’t mahigit 100 taon ang kabuuang sentensya, sa ilalim ng Article 70 ng Revised Penal Code, hanggang 40 taon lang ang aktwal na paglilingkurin ni De Guzman sa kulungan.
