Pumirma ng kasunduan ang Vantage Energy, affiliate retail electricity supplier ng Meralco, at CVC Asia para ilipat ang ilang pangunahing negosyo sa Visayas sa ilalim ng Competitive Retail Electricity Market (CREM) — isang hakbang para makamit ang mas mababang singil sa kuryente at mas mataas na kahusayan sa operasyon.
Kasama sa partnership ang Southeast Asia Retail Inc., operator ng Landers Superstore, at FAST Services Corp. ng FAST Logistics Group. Sa ilalim ng kasunduan, lilipat sa CREM ang Landers Bacolod at cold chain facility ng FAST Services sa Cebu, na magbibigay sa kanila ng kalayaang pumili ng electricity provider na may mas paborableng presyo.
Ayon kay Brice Cu, Senior Managing Director at Country Head ng CVC Philippines, ang hakbang na ito ay patunay ng kanilang layunin na maghatid ng pangmatagalang benepisyo at mas sustainable na operasyon para sa kanilang mga negosyo. Sinabi naman ni Bill Cummings, Deputy CEO ng Landers, na ang matitipid sa kuryente ay direktang makikinabang ang kanilang mahigit dalawang milyong miyembro sa pamamagitan ng mas mababang presyo ng bilihin.
Mula nang itatag noong 2016, lumago na ang Landers Superstore bilang membership-only warehouse club na nag-aalok ng imported at lokal na produkto, eksklusibong perks, fuel discounts, at mababang presyo. Samantala, kilala ang FAST Services sa end-to-end logistics solutions gaya ng warehousing, distribution, at transportation.
Para kay Vantage Energy President Ernesto M. Cabral, ang partnership na ito ay higit pa sa negosyo — isa itong estratehikong alyansa para baguhin ang paraan ng pagkuha at paggamit ng enerhiya sa bansa.
Target ng Vantage Energy at CVC Asia na maging modelo ng pagsasanib ng sustainability at operational efficiency para sa pangmatagalang tagumpay ng mga negosyo sa lumalawak na energy market ng Pilipinas.
