Hawak ni BOC chief Ariel Nepomuceno ang memo ng suspensyon ng Green Lane clearance sa NAIA arrival, kasama si spokesman Atty. Chris Noel Bendijo at Asst. Commissioner-ACP Atty. Vincent Philip Maronilla. (JERRY S. TAN)
Good news sa mga biyahero at balikbayan! Sinuspinde muna ng Bureau of Customs (BOC) ang Green Lane QR code scanning sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) simula Agosto 14, 2025 para mapabilis ang paglabas ng mga pasahero sa arrival area.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, dati ay obligado ang lahat ng pasahero na magrehistro sa ETravel App, mag-fill out ng Customs Declaration Form, at magpakita ng QR code para matukoy kung sila ay may “nothing to declare” (Green Lane) o “something to declare” (Red Lane).
Pero sa bagong sistema, hindi na kailangan ng QR code ang mga pasaherong walang dala o deklarasyon. Tanging ang nasa Red Lane at iyong napili sa random o intelligence-based inspection ang daraan sa dating scanning at clearance process.
Giit ni Nepomuceno, utos ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para gawing mas magaan at hassle-free ang biyahe ng mga dumarating na pasahero. “Gusto natin, traveler-friendly at security-focused ang NAIA,” sabi ng BOC chief, na personal pang nag-ikot sa arrival area para makita ang dapat pang ayusin.
Kasama sa inspeksyon sina BOC spokesman Atty. Chris Noel Bendijo, NAIA arrival operations chief Belinda Copioso, at iba pang matataas na opisyal ng BOC, pati kinatawan ng New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC) at Manila International Airport Authority (MIAA).
Tiniyak ni Nepomuceno na sa bagong sistema, mababawasan ang siksikan at mas bibilis ang paglabas ng mga pasahero — mula ilang minuto, magiging ilang segundo na lang bago makalabas ng airport. (ARSENIO TAN)
