Ang tatlong biktima ng human trafficking habang ini-interview ng Bureau of Immigration. (JERRY S. TAN)
Muntik nang maligaw sa kamay ng sindikato! Tatlong biktima ng human trafficking — kabilang ang isang menor de edad — ang naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa Davao International Airport nitong Martes habang nagtangkang lumipad patungong Singapore para magtrabaho bilang entertainers.
Ayon sa BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), hinarang ng mga alertong frontline officer ang tatlo bago makasakay sa Scoot Airlines.
Kwento ni BI spokesperson Dana Sandoval, dalawang biktima ay nasa 20s habang ang isa’y 18 anyos pa lang. Dalawa sa kanila’y galing Luzon at bumiyahe pa patungong Davao para sa planong flight.
Una’y pinalabas pa ng grupo na magbabakasyon lang sila nang limang araw, pero sa beripikasyon, lumabas ang totoong pakay — recruitment para magtrabaho sa Singapore.
Ayon sa salaysay ng isa, kapitbahay niya sa Davao ang nagpakilala sa isang contact sa Maynila na nag-ayos ng kanilang ilegal na biyahe. Wala raw silang inilabas na pera, pero pinangakuan na ibabawas sa sahod nila ang gastos na 5,000 SGD.
Agad silang isinailalim sa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa Davao Airport para sa mas malalim na imbestigasyon.
Dagdag ni Sandoval, tukoy na ang dalawang posibleng recruiter, at iniimbestigahan din kung may kinalaman ang dalawang immigration personnel sa operasyon ng mga suspek. (ARSENIO TAN)
